Kulang ang kutos sa tiwaling pulis

 Kulang ang kutos sa tiwaling pulis

July 4, 2018 @ 7:19 PM 4 years ago


Sa pagmamahal ni Pangulong Duterte sa mga pulis ay itinaas niya ang suweldo ng mga ito. Ang mga bagito o itong mga police officer 1 ang pinakamalaki ang inilobo ng suweldo. Higit sa isandaang porsiyento o higit pa sa dati nilang isinasahod.

Naniniwala kasi si Pangulong Duterte na kung mataas na ang sweldo ng ating mga pulis ay hindi na sila gagawa ng kagaguhan. ‘Yun bang hindi na sila sasabit sa kidnapping, drug trafficking, hulidap o extortion at kung ano-ano pa.

Ayaw ng Pangulo na masasabit sa mga krimen ang mga pulis dahil nga ang ultimong programa ng kanyang gobyerno ay labanan ang droga, walisin ang mga kriminal sa lansangan at magkaroon ng katahimikan sa bansa. Mga pulis ang katuwang ng Pangulo sa kampanyang ito pero kung mga pulis din ang masasangkot sa kabugukan, ibang usapan na ito.

Kaya nga hindi naitago ni National Capital Region Police Office Director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang sobrang galit nang may mahuling tatlong police officer 1 na nangotong sa mga hinuling drug suspects. Ang masaklap, nagpakilala pang mga ahente ng PDEA ang tatlong pulis-Maynila sa kanilang ginawang kalokohan. Gusto pang sirain ng tatlong bugok ang PDEA sa kanilang kabulastugan.

Sa inis ni Gen. Eleazar, nakutusan tuloy niya ang tatlong bugok na itlog. Kulang na lang ay gulpihin talaga niya pero nagpigil siya. Kasi nga’y ibinigay na ni Pangulong Duterte ang lahat-lahat sa mga pulis, ganito pa ang isusukli ng mga walang kahiya-hiya sa kanilang balat. Sinayang ng mga tarantado ang tiwalang ibinigay sa kanila ng Pangulo. Ilang beses sinabi ni Duterte na ibibigay niya ang lahat ng suporta sa pulisya kung malinis lang sila na magtatrabaho.

Nakikita naman natin ang pamunuan ng PNP sa pagsisikap nitong mapabuti ang kanilang performance nang sa gayo’y tuluyang maibalik ang tiwala sa kanila ng sambayanan. Ngunit may mga lihis talaga ang nilalandas. Mas gustong kumita ng instant money sa paggawa ng kasamaan kaysa lumakad ng tuwid sa kanilang sinumpaan.

Kaya ang sabi nga ng marami, kulang talaga ang iginawad na kutos ni Gen. Eleazar sa tatlong anay na tauhan. Batid naman ito ni Eleazar. Kaya nga nang minsan natin siyang makakuwentuhan, nangako siya na babantayan ang kaso ng tatlo na kasalukuyang suspendido.

Siya mismo, aminado na hindi na kailangang makabalik pa sa PNP ang mga anay at baka dumami pa. Sana nga po, General. – SA KANTO’T SULOK NI NATS TABOY