Kulang na impormasyon hadlang sa pagtunton sa 8 katao galing S. Africa- DOH

Kulang na impormasyon hadlang sa pagtunton sa 8 katao galing S. Africa- DOH

December 7, 2021 @ 1:00 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Hindi pa natutunton ng awtoridad ng Pilipinas ang walong biyahero na dumating sa bansa galing South Africa matapos nilang magbigay ng mali o kulang na personal na impormasyon, base sa Department of Health nitong Martes.

Hinahanap ng Pilipinas ang mga biyaherong dumating sa bansa mula Nobyembre 15 hanggang 29, sa gitna ng banta ng coronavirus disease (COVID-19) Omicron variant.

“Ang naging challenge natin dito ay mali-mali po ‘yung detalye sa kanilang personal information sheet,” paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa TeleRadyo.

Isa ang South Africa sa mga bansang kabilang sa red list ng Pilipinas sa gitna ng pagkalat ng Omicron variant.

Iginiit ng health official na ilang mga biyahero ang nagbigay ng kulang na contact numbers o addresses. samantala , dalawa naman ang hindi umano sumasagot sa kanilang tawag, dagdag niya.

Sinabi pa ni Vergeire na nakikipag-ugnayan na umano ang DOH sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga lokalidad upang hanapin ang mga naturang biyahero.

“We already flagged the Bureau of Quarantine and the Department of Transportation regarding this matter so that they can coordinate with the specific agencies of these individuals,” aniya.

Hinihikayat naman ng DOH ang mga biyahero na agad na makipag-ugnayan sa kanilang regional health offices para sa COVID-19 testing. RNT/SA