KULAY PINK NA AMPALAYA

KULAY PINK NA AMPALAYA

May 13, 2022 @ 11:18 AM 2 weeks ago


Sino ba naman ang ayaw sa ampalaya? Ang ampalaya ay isa sa pi­nakamasustansyang gulay at nakagiginhawa sa buhay dahil nakagagamot ng mga sakit sa katawan ng tao. Peborit ko ang ampalaya.

Pero hindi lahat ng “ampalaya” ay maganda.

May mga “ampalaya” ngayon na sumisira sa ating lipunan, mga tila lason sa pag-iisip ng ating mga kabataan. Ang mga “ampalaya” na ito ay ayaw tumanggap ng pagkatalo, mga bastos, walang respeto sa resulta ng katatapos na halalan.

Dinaya raw sila gayong malinaw naman sa resulta na mayorya na ng sambayana ay ayaw na sa kanilang “kapaklaan”.

Kauna-unahan sa kasaysayan ng ating halalan na ang nagwagi sa pagkapresidente ay tinambakan ng higit 16 milyong boto ang nakabuntot sa kanya. Tapos, ang mga lekat na talunan ay sumisigaw na dinaya. Bwar, har, har!

Ang pakla-pakla talaga nila. Ang pangit-pangit nila, lalo ang kanilang mga pinagsasasabi laban sa taong nagwagi sa halalan. Mga tunay na “bitter”, ika nga. Pero ang sabi nila, sila raw ay mga edukado. Nagmula sa magagara, mamahalin at de-aircon na unibersidad. Mga mayaman na may malalaking negosyo.

Ang layo-layo ng masasamang pag-uugali at itim na mga budhi sa kulay na kanilang ibinabandila. Anak ng kalabaw na disgrasyada!

o0o

Isang alyansa ng mga guro (raw) ang agad tumutol sa nakatakdang pag-upo ni incoming Vice President Inday Sara Duterte sa Department of Education bilang kalihim nito sa susunod na administrasyon.

Hindi raw nababagay si VP Inday sa DepEd dahil hindi naman daw siya naging guro o isang edukador.  Ano raw ang maituturo o maibibigay na aral ni VP Inday sa kinabukasan ng mga kabataan?

Hindi pa man nauupo, pinipintasan na agad ng alyansang ito ang kakayahan at posibleng magawa ni VP Inday sa DepEd.

Nakalimutan yata ng grupong ito na si Inday ay isang mahusay at mabuting ina ng kanyang mga anak. Naging ina rin siya para sa mamamayan ng Davao City bilang alkalde.

Hindi ba’t may kasabihan tayo na bago pa pumasok sa paaralan ang mga estudyante, tayong mga magulang, lalo ang mga ina ang nagsisilbi munang guro ng mga bata. Ano’ng sinasabi ng grupo ng mga teacher na hindi naging guro si Inday Sara?

Hindi matutumbasan ang turo ng mga ina na magagandang asal at pag-uugali sa kanilang mga anak bago pa pumasok sa eskuwela.

Hindi pa ako tuli, nariyan na itong alyansa ng mga guro na nga­yo’y ayaw kay VP Sara sa Dep­Ed. Madalas natin silang nakikita sa lansangan na nagpoprotesta.

Sa kanilang tingin, ano naman kaya ang maganda nilang naituturo sa kabataang mag-aaral habang nagsisisigaw laban sa pamahalaan.

Hindi na ako nagtataka ngayon kung bakit marami sa ating mga iskolar at mag-aaral ngayon ay bastos at walang alam kundi ang magwala sa kalsada dahil tila sila ang ginagaya.