Kumakalat na sakit mula sa tilapia, hipon, ‘di totoo – BFAR

Kumakalat na sakit mula sa tilapia, hipon, ‘di totoo – BFAR

June 26, 2020 @ 1:17 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Pinasinungalingan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture (DA) ang ulat ng paglaganap ng sakit na nakukuha umano sa pagkain ng tilapia at hipon.

Sinasabing nangamba ng pagkalugi ang ilang may palaisdaan ng tilapia sa Bulacan matapos tumumal ang kanilang benta bunsod ng pagkalat ng balita.

Ayon sa BFAR, walang kumakalat na sakit sa mga tilapia at hipon kaya walang dapat ipangamba ang publiko sa balitang ito.

Anila, ang napabalitang sakit, partikular ang White Spot Syndrome Virus (WSSV) at Acute Hepatopancreatic Necrosis Disease/Early Mortality Syndrome sa hipon at Tilapia Lake Virus (TilV), kung sakali mang makaapekto sa hipon at tilapia, ay hindi naipapasa sa tao. Wala rin itong bantang dala sa kalusugan.

Dagdag pa ng ahensiya, ang mga tilapia at hipon sa bansa ay napapanatiling ligtas dahil sa ipinapatupad na biosecurity measures ng pamahalaan sa pamamagitan ng DA-BFAR.

Kabilang dito ang pagbibigay ng health certificate para sa mga ibibiyaheng buhay na semilya ng tilapia at hipon na palalakihin sa mga palaisdaan.

Ang pagbibigay ng health certificate ay sinimulan noon pang 2015 upang masigurong hindi apektado ng sakit ang mga aalagaang tilapia at hipon.

Sinabi pa ng BFAR na kailangang humingi ng health certificate para sa mga tilapia at hipon na ibibiyahe o ibebenta sa mga pamilihan para makasiguradong ligtas kainin ang mga ito.

Dapat anila na siguraduhin lamang na ang mga nabibiling produktong pampangisdaan (seafood products) ay sariwa, hinugasan at nilinis mabuti bago lutuin. Danny Gravador


  •  
  •  
  •  

Loading...