KUMIKINANG NA PANAHON NI YORME

KUMIKINANG NA PANAHON NI YORME

July 12, 2021 @ 2:16 PM 1 year ago


TO serve and protect. Ito ang ginagamit na patnubay ng pambansang kapulisan na hinango sa sagisag ng Police Academy sa Estados Unidos bilang pamamaraan na rin sa pagkilala ng kapulisan sa karapatang pantao.

Hindi naman kasi kaila na minsan nang nadungisan ang imahe ng kapulisan dahil sa mga pang-aabuso sa karapatang pantao, pangunguna sa paggawa ng krimen, pangungulimbat at pangongotong. Dahilan ang mga ito ng pagkawala ng tiwala sa kanila ng maraming mamamayan. Pero ang madilim na panahong ipinaramdam noon ng kapulisan sa mamamayang Filipino ay unti-unti ng naglalaho dahil na rin sa ginagawang reporma, hindi lang ng pambansang pamahalaan, kundi sa hanay na rin ng magagaling na opisyal ng Philippine National Police.

Isa sa may napakalaking naiambag sa pagbabago ng imahe ng kapulisan si Senator Panfilo “Ping” Lacson noong siya pa ang pinuno ng Pambansang Kapulisan dahil naipakita niya sa buong sambayanan kung paano ang wastong pagdidisiplina sa hanay ng mga pulis.

Natakot noon ang mga “kotongerong” pulis na lantarang umiikot sa mga pasugalan para kumolekta at kumita sa illegal parking, illegal vending, illegal terminal at iba pa dahil may binuong task force noon si Sen. Lacson na humuhuli sa kanila.

Pero hindi tuluyang nalinis ang hanay ng kapulisan dahil hindi rin natapos ang termino ng PNP chief bunga ng naganap na EDSA part II. Katunayan, lumutang ang bantog na Ninja cops na sangkot sa pangungurakot ng malaking bulto ng shabu at iba pang droga na nakukumpiska ng pulisya, pati na ang sunod-sunod na pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa droga.

Sa kabila nito, mas marami pa rin ang matitinong opisyal at tauhan ng pulisya na nagpupumilit mapanatili ang tiwala ng mamamayan sa pamamagitan ng paggawa ng kabutihan, pagsisilbi at pagprotekta sa mamamayan, tulad ng ginagawang halimbawa ngayon ni Manila Police District Director P/BGen. Leo Francisco na binansagan sa palayaw na “Paco.”

Isa na rito ang inilunsad niyang M.I.N.D.S.E.T. program na nagsusumikap na magkaroon ng panibagong buhay ang mga nalulong sa droga sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng tsansa na makaahon sa pagiging sugapa sa droga na kalaunan ay naging dahilan upang makapagtala ang lungsod ng Maynila ng pinakamaraming bilang ng barangay na malinis na sa droga.

Inilunsad at pinangunahan din ni BGen. Francisco ang programang “Anti-Drunk and Drugged Seminar” na ginanap sa Multi-Purpose Hall sa headquarters ng MPD kung saan ipinaalala niya ang pagbabawal sa mga tauhan ng pulisya na uminom ng alak sa pampublikong lugar, paglabas ng bahay ng lasing at higit sa lahat ay ang paggamit ng ilegal na droga. mga “Pulisya at Barangayanihan sa Hamon ng Pandemya at Laban sa Krimen”.

Sa naturang okasyon, ginawaran ni Gen. Paco ng plake ng pagkilala ang mga nagwagi sa Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) 1st Sining Bayanihan District Level Competition na ginanap noong Hunyo 22, 2021.

Sa rami ng mga programa at proyekto ni Gen. Paco ngayon bilang director ng MPD, kasabay ng pamumuno ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, hindi na nakapagtataka kung muling kuminang ang Manila’s Finest, hindi lang sa pagbibigay ng serbisyo at proteksyon sa mamamayan kundi pagpapakita na rin ng magandang imahe ng kapulisan.