KUMPANYA NG CHINA SWAK SA BAY RECLAMATION

KUMPANYA NG CHINA SWAK SA BAY RECLAMATION

January 14, 2023 @ 2:21 AM 3 weeks ago


TAMA bang sa halip na kastigo, kontrata pa ang nakuha ng Chinese company na nagmamay-ari ng dredging vessels na gumawa ng artificial island ng China sa West Philippine Sea?

Ayon sa Samahan ng Nagkakaisang Marinong Pilipno, nasungkit ng China Harbor Engineering Corporation, may-ari ng M/V Liang Ku 9; M/V Liang Ku 99; Zhou Star M/V at iba, ang bagong reclamation project ng 360 ektaryang bahagi ng Manila Bay.

Nabatid ng inyong lingkod na ang CHEC ay nasa ilalim ng China Communications Construction Company na siyang responsible sa paggawa ng artipisyal na isla sa WPS na inaari ng nasabing bansa.

Sinabi ng impormante ng inyong lingkod, ginagamit ng CCCC ang CHEC dahil sa ipinataw na “perpetual ban” ng World Bank sa nabanggit na unang kumpanya dahil sa maanomalyang bidding sa isang proyekto noong 2009.

Araykopo! Teka, ganun din yata ang CHEC na sinasabing tinabla dahil sa suhulang naganap kaugnay sa isang proyekto sa Bangladesh noong 2018.

Sa isang liham na ipinadala ng SMMP kina Sec.Bienvenido Laguesma ng Department of Labor and Employment at Sec.Susan Ople ng Department of Migrant Workers, na iginiit ng grupo na ibigay sa mga lokal na kumpanya ang kontrata upang mabigyan ng trabaho ang libo-libong mga marinong Pinoy.

Kasabay nito, kinuwestyon din ng SMMP ang pagpasok ng mga marinong Tsino na tahasang paglabag sa mga umiiral na batas hinggil sa pagpasok ng mga dayuhan sa bansa. Aba’t talaga namang sinusuwerte sila!

Pero ano ang sinasabi ng Maritime Industry Authority na hindi pinahihintulutan ng ating pamahalaan ang pagpasok sa kontrata ng Chinese dredgers sa Manila Bay Reclamation maliban na lang kung mabigyan ng special permit ng kanilang ahensiya?

Pero teka, hindi kaya pagyayabang lang ito ng MARINA? Eh, lumalabas kasi sa pagsisiyasat na nabigyan na ng Marina ng permit ang Chinese dredgers.

Aba, Marina-NCR director Engr. Marc Anthony Pascua, gaano katotoo ito? Sigurado ba na hindi mabibigyan ng permit ang Chinese seafarers? Baka naman press release lang yan? Sana naman hindi!

LANTARANG KANGKANGAN SA VIP ROOMS

Dumako tayo sa Roxas Boulevard na sinasabing pugad ng mga kalibugan na kung saan ay napakamura ang bentahan ng aliw sa nasabing mga bahay-aliwan.

Ang isa sa mga tinutukoy ng inyong lingkod ay ang Apeiro Club na umano’y pag-aari ng isang mayamang Intsik na umano’y lantaran na ibinebenta ang mga kababaihan sa kanyang establisimyento sa kanilang mga suki o parokyano.

Isang umano’y Pablo, pero tila alyas lang, ang umano’y may-ari ng club na ito kung saan lantaran na nagkakaroon ng kangkangan ang mga babae at mga kostumer ng mga ito sa loob ng VIP rooms.

Hindi mo ito alam, Parañaque City Mayor Eric Olivarez?

Anomang puna o reklamo itext sa 09189274764,09266719269 o i-email sa [email protected] o [email protected]