Kumpirmasyon ni Tulfo sa DSWD, naunsyami

Kumpirmasyon ni Tulfo sa DSWD, naunsyami

December 12, 2022 @ 5:06 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Malungkot na ipinahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ikinokonsiderang “bypassed” na ang kumpirmasyon ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo dahil nahihirapan ang makapangyarihang Commission on Appointment (CA) hinggil sa kanyang citizenship at kasong libelo na may desisyong-pinal mula sa Korte Suprema.

Sa ginanap na press conference, sinabi ni Zubiri na lubhang nakakapanghinayang si Tulfo dahil bukod sa nalalaman nito ang kanyang gawain bilang kalihim ng DSWD, mabilis kumilos at nakaagapay kaagad sa ating kababayan kapag may kalamidad.

“Sayang kasi masipag at mabilis kumilos. Kapag may bagyo, kinabukasan andyan kaagad siya. Unless hihirangin ulit siya ng Pangulo,” giit ni Zubiri.

Aniya, nakasalalay ngayon ang kanyang tungkulin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung bibigyan muli siya ng working paper bilang kalihim ng DSWD pero kailangan din pag-aaralan ng CA ang lahat ng legal options dahil mayroon nang precedents na tinangggihan ang kumpirmasyon dahil sa citizenship.

“Yes, he will be bypassed this coming month, and he has to be reappointed by the President, It’s all in the hands of the President. I like Sec Tulfo, masipag siya nasasayangan ako sa kanya, but we have to perform our constitutional mandate. We have to weigh in what the justices are saying they have legal opinions and Supreme Court decisions,” ayon pa kay Zubiri.

Ayon kay Zubiri, nakatakdang dinggin ang kumpirmasyon ng natitirang kalihim ng administrasyon na sina Jose Acuzar, bilang kalihim ng Department of Human Settlements and Urban Development, Jaime Bautista, Secretary ng Department of Transportation, Arsenio Balisacan ng National Economic Development Authority at dalawang komisyunada ng Commission on Election at opisyal ng Armed Forces of the Philippines kabilang ang ilang career officers.

Ipinaliwanag ni Zubiri na may conviction si Tulfo nang may finality para sa kasong libel at nahaharap din siya sa problema ng kanyang citizenship pero nabigo siyang magsumite ng iba pang dokumento na hindi na siyang US citizen mula nang huli nitong ginamit ang US passport niya noong 2021.

Kailangan umanong kumuha ng certification si Tulfo na hindi na siya US citizen at isumite sa susunod na pagdinig na magaganap sa pagbubukas ng sesyon sa Enero.

“The CA has never confirmed anyone with final conviction, pag aralan muna nating mabuti ang (We will study it ) legal implications it’s a moral turpitude, there has been precedence in the Supreme Court , with decided cases” ayon kay Zubiri. Ernie Reyes