Kumpiska-lisensya ng local traffic enforcer bawal, LTO lang dapat-DILG

Kumpiska-lisensya ng local traffic enforcer bawal, LTO lang dapat-DILG

September 22, 2022 @ 11:55 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Muling iginiit at pinaalala ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga Local Government Unit (LGU) ang maling pagkumpiska ng mga lisensya ng mga motorista ng kanilang mga traffic enforcer na lumabag sa batas trapiko.

Anang DILG na tanging ang Land Transportation Office (LTO) lamang ang may karapatan na gumawa nito.

Sa inilabas na memorandum ni DILG Secretary Benjamin “Benhur’ Abalos na nilagdaan nito ng September 14, 2022, sa ilalim ng Reiteration of Pertinent Provision on Road Safety and Transportation ay pinagbabawal ang pagkumpiska ng lisensya ng mga local traffic enforcers.

Sa probisyon ng DILG-DOTC Joint Memorandum Circular (JMC) No. 01, series 2008, section 3.4: “Ang mga LGU ay maaaring mag-isyu ng traffic citation ticket ngunit ang LTO lamang at ang kanilang mga deputized agents ang maaaring kumpiskahin ang mga lisensya sa pagmamaneho”.

Sa kasalukuyan mas maraming local traffic management units ang naka-deploy sa mga lansangan matapos maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema sa pagpapatupad ng No-Contact Apprehension Program (NCAP).

Sa halip na mga traffic camera, ang mga enforcer ay bumalik sa pisikal na paghuli sa mga nagkakamali na motorista subalit binalaan ni Abalos ang ginagawang mali na pagkumpiska ng mga liaensya ng traffic enforcer ng LGU.

Dahil dito, inatasan ng DILG ang lahat ng LGU na suriin ang kanilang mga ordinansa at patakaran sa trapiko upang matiyak na ang kanilang mga traffic management unit ay sumusunod sa nasabing probisyon sa nabanggit na JMC.

Ngayong na muling  naulit ang memorandum na inilabas ni Abalos, dapat na sundin ito ng mga LGU dahil na rin sa malaking abala para sa mga motorista na kunin pa ang kanilang lisensya mula sa mga LGU.

Gayunpaman, hindi ito nagbibigay ng dahilan upang hindi bayaran ng mga motorista ang kanilang mga multa sa trapiko sa LGU dahil posibleng magbibigay sa kanila ito ng problema sa susunod na pag-renew ng  lisensya sa pagmamaneho. Jan Sinocruz