Kumpiska-lisensya ng pasaway na driver, itinigil ng Makati LGU

Kumpiska-lisensya ng pasaway na driver, itinigil ng Makati LGU

December 19, 2022 @ 12:40 PM 1 month ago


MANILA, Philippines — Hindi na kukumpiskahin ng mga traffic enforcer ng Makati City government ang driver’s license ng mga pasaway na motorista sa batas-trapiko.

“Once a motorist commits a traffic offense, the enforcer will issue an ordinance violation receipt without confiscating their respective driver license,” paglilinaw ni Makati public safety department head Michael Arthur Camina sa isang memorandum.

Sinabi ni Camina na binibigyan ng limang araw ang mga motorista para bayaran ang kaukulang multa na inisyu ng pamahalaang lungsod.

Kung ang parusa ay hindi naayos sa loob ng panahong ito, ang pamahalaang lungsod ay magsasampa ng mga kaso laban sa driver.

Nauna nang nagkasundo ang Makati at ang 16 pang local government units (LGUs) sa Metro Manila na suspindihin ang pagkumpiska ng driver’s license ng mga pasaway na motorista upang bigyang-daan ang paglikha ng panukalang single ticketing system sa rehiyon.

Ang kanilang desisyon ay batay sa kahilingan ni Interior Secretary Benhur Abalos na magpataw ng moratorium sa pagkumpiska ng driver’s license sa Metro Manila.

Paliwanag ni Abalos, awtorisado ang Land Transportation Office at ang mga deputized agencies ng LTO na kumpiskahin ang mga lisensya sa pagmamaneho. RNT