Kusinero, kaibigan tigok sa bangga ng bus

Kusinero, kaibigan tigok sa bangga ng bus

June 17, 2022 @ 12:15 PM 1 week ago


DANAO CITY, Cebu- Patay ang magkaibigan matapos salpukin ng pampasaherong bus ang sinasakyan nilang motorsiklo, Miyerkules sa lungsod na ito.

Kinilala ang mga biktimang sina Christian Warren Perez Bendaña, 35, kusinero taga CM Enriquez, Brgy. Suba, Danao at kaibigan nitong si Jephy Navales, 37 anyos.

Nadakip naman ang suspek at driver ng Ceres bus na kinilalang si Ranilo Dela Cruz Miscala, 28, taga Brgy. Victoria, San Remigio, Cebu.

Batay sa report ng Danao City Police Station, dakong alas-7:10 ng gabi naganap ang insidente sa kalsadang sakop ng Barangay Dunggoan, ng naturang lungsod.

Ayon kay Police Master Sgt. Ronald Gomez, imbestigator sa Traffic Police sa Danao City, kapwa binabaybay ng motorsiklo at bus ang nasabing lugar ng mabangga ang mga ito ni Miscala.

Sa lakas ng pagkakasalpok tumilapon ang dalawa sa sementadong kalsada at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

Itinakbo naman sa ospital ang mga biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ang mga ito ng hininga.

Kasalukuyan naman nakakulong sa lock-up cell ng Danao City police station ang suspek at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at damage to property. Mary Anne Sapico