Kuwaiti employer ng napatay na OFW blacklisted na – DMW

Kuwaiti employer ng napatay na OFW blacklisted na – DMW

January 27, 2023 @ 3:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) sa publiko na blacklisted na ang Kuwaiti employer ng napatay na overseas Filipino worker (OFW) na si Jullebee Ranara.

Si Ranara, 35-anyos ay pinatay ng 17 taong gulang na anak ng kanyang employer.

Ang kanyang katawan nito ay sinunog at inabandona sa disyerto sa Kuwait.

“Definitely, blacklisted na siya,” sabi ni DMW Secretary Susan Ople.

Dagdag pa ng kalihim, sinampahan na ng disciplinary action ang employer dahil sa pagkamatay ni Ranara.

“We already preventively suspended the employer because of the death of our OFW. Sinampahan na rin po natin ng disciplinary action against the employer,” pagbabahagi naman ni DMW Undersecretary Bernard Olalia sa isang press briefing.

Samantala, haharap din sa recruitment violation case at disciplinary action ang local at foreign recruitment agency ng napatay na OFW.

“Si agency naman po, si Catalist, ‘yung local recruitment agency dito at ‘yung kanyang counterpart, ‘yung FRA (foreign recruitment agency) na si Platinum, meron na rin pong hinaharap na recruitment violation case at saka isang disciplinary action against the employer also and against the counterpart,” ani Olalia.

“Ongoing po ‘yung ating investigation at ‘pag napatunayan po nating nagpabaya, definitely, hahantong din po ‘yun sa isang sanction,” dagdag pa niya.

Kasalukuyang naka-detain na ang suspek sa pagpatay kay Ranara.

Inaasahang darating sa bansa Biyernes ng gabi, Enero 27 ang labi ng Pinay OFW. Jocelyn Tabangcura-Domenden