Kuwaiti foreign minister nangako ng hustisya kay Ranara

Kuwaiti foreign minister nangako ng hustisya kay Ranara

January 30, 2023 @ 4:41 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nangako si Kuwait Minister of Foreign Affairs Sheikh Salem Abdullah Al-Jaber Al-Sabah na mananagot at parurusahan ang sangkot sa pagpatay sa Filipina household worker na si Jullebee Ranara.

Sa pahayag ng Philippine Embassy in Kuwait, nakipagkita umano si Sheikh Salem kay Philippine Chargé d’Affaires Jose Cabrera nitong Linggo, Enero 29 kasabay ng pagkondena sa pagpatay kay Ranara kung saan ang sunog na katawan nito ay natagpuan sa disyerto sa nasabing bansa.

“He (Sheikh Salem) condemned her murder and said that the perpetrator, who has been arrested and is currently in detention, will be punished for this heinous crime,” saad sa pahayag.

Ipinaabot din ng foreign minister kay Cabrera ang pakikiramay nito sa pamilya ng biktima.

Ipinaliwanag din ng opisyal na ang ginawang ito ng suspek ay hindi sumasalamin sa kabuuan ng ugali ng mga Kuwaiti.

Matatandaan na sa ulat, pinatay, ginahasa, nabuntis, sinagasaan at sinunog ng 17-anyos na anak ng employer nito, ang biktima.

Samantala, sinabi ng Kuwaiti Ministry of Foreign Affairs na magbibigay ito ng tulong sa Embahada ng Pilipinas para tutukan ang kaso ni Ranara. RNT/JGC