Kwarto ni Estrada, Revilla sa PNP custodial center pwedeng gamitin ni De Lima – Abalos

Kwarto ni Estrada, Revilla sa PNP custodial center pwedeng gamitin ni De Lima – Abalos

October 12, 2022 @ 2:17 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Maaaring gamitin muna ni dating senador Leila de Lima ang mga silid na dating ginamit nina Senador Jinggoy Estrada at Ramon Revilla Jr. sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City habang nagpapagaling ito mula sa idinulot ng hostage-taking incident noong Linggo.

Ito ang suhestyon ni Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. nitong Miyerkules, Oktubre 12 kasabay ng Kapihan sa Manila Bay forum.

Ayon sa Kalihim, nag-aalala umano siya maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maaaring na-trauma si De Lima sa nangyaring insidente.

Sa kasalukuyan, ang dating mga silid na ginamit nina Estrada at Revilla nang makulong ito dahil sa kasong may kinalaman sa pork barrel issue ay kasalukuyan ginagamit ng mga miyembro ng PNP Special Action Force.

“Medyo nagpasabi kagabi ‘yong kanyang abogado that they’re going to rethink of our offer for her to, if she wants another facility within the compound itself, sabi nila baka tignan daw nila ‘yong ibang facility. Kasi alam mo, ang concern kasi ng Presidente dito […] is that it’s a very traumatic experience ‘yong nangyari, syempre mas que tapos na ‘yan, baka mamaya navi-visualize mo ‘yong nangyari at habang nandoon ka sa room mo,” sinabi ni Abalos.

“So para ba may peace of mind siya na talagang safe siya at hindi mangyayari, within the compound merong ibang mga facilities na pwede […] Kasi meron pang dalawang rooms doon, ‘yong dating room ni Senator Jinggoy Estrada at saka ‘yong kay Senator Revilla, so pwede naming palinis, paayos kasi parang quarters ng SAF eh. We could offer those,” dagdag pa niya.

Matatandaan na noong Linggo, Oktubre 9 ay nalagay sa peligro ang buhay ni De Lima ng suspek na si Feliciano Sulayao Jr., isang bilanggong nagtangkang tumakas sa detention facility. RNT/JGC