KWENTONG MAPAIT

KWENTONG MAPAIT

January 27, 2023 @ 10:32 AM 2 months ago


 ISA na namang kababayan nating overseas Filipino worker ang nasadlak sa malagim na kapalaran . Nakita ang sunog na labi ng 35-anyos na domestic helper na si Jullebee Ranara sa isang disyerto sa Kuwait nitong mga nakalipas na araw. Napag-alaman na siya ay hinalay, binugbog, sinagasaan at sinunog ng 17-anyos na anak ng kaniyang amo.

Ayon sa ating mga report, dinakip na ng mga otoridad ang suspek na menor de edad at Kuwaiti national. Samantalang patuloy umano ang pakikipag-ugnayan ng ating embahada sa pamahalaan ng Kuwait kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon. Hinihintay lamang umano nila ang opisyal na ulat sa insidente mula sa mga awtoridad ng Kuwait.

Nangako si Sec. Susan Ople ng Department of Migrant Workers na sisikapin nilang makamit ang hustisya para kay Jullebee sa lalong madaling panahon. Kaya’t nanawagan siya sa Kuwaiti government na bilisan ang pagresolba sa kaso.

Hindi na bago ang pangyayaring ito sa ating mga kababayang OFW sa Gitnang Silangan. Marami na ang hindi na nakauwi ng buhay. Marami rin ang nakauwing buhay pero bugbog sarado, baldado, nagahasa, kinasuhan at nakulong naman. Ilan lamang ito sa masaklap na sinasapit ng mga kababayan nating nakipagsapalaran sa ibang bansa bilang kasambahay.

Palagi na lang tayong dapat na may i-rescue at i-repatriate na mga inaping manggagawa. Araw-araw laman ng mga balita na may inapi o napahamak na OFW. Samantalang gusto lang naman nila maiahon sa kahirapan ang kanilang mga pamilya.

Tanggap natin na kulang ang trabaho dito sa Pilipinas kaya napipilitang mangibang-bayan ang marami. Pero napakalaking sugal talaga ang hinaharap ng mga babaeng OFWs, kaya dapat lang na paigtingin ng DMW ang pagmo-monitor sa sitwasyon ng OFWs natin. At sana ay imbestigahan naman ng DFA ang kapabayaan o kabagalan ng serbisyo ng mga opisyal natin sa mga kasong katulad nito.

Nangarap ng mabuting buhay, pero buhay ang ibinuwis. Sana matigil na ang mga mapapait na kwentong ganito.