Kwestyunableng bank withdrawal sisilipin ng AMLC kaugnay sa vote buying

Kwestyunableng bank withdrawal sisilipin ng AMLC kaugnay sa vote buying

May 20, 2022 @ 9:00 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes na inendorso nito sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang isang ulat sa mga “kahina-hinalang” withdrawal ng mga bangko na maaaring maiugnay sa pagbili ng boto.

Sinabi ni Comelec acting spokesperson Rex Laudiangco na naabisuhan ang poll body sa mga diumano’y kwestyunableng transaksyon sa pamamagitan ng liham na ipinadala ng isang abogado. Hindi tinukoy ni Laudiangco ang kinauukulang bangko.

“Nai-endorso na po ng Task Force Kontra Bigay sa Anti-Money Laundering Council itong bagay na ito, and we’ll a wait the report of the AMLC,” aniya sa isang media briefing.

Nauna nang pinaalalahanan ng AMLC ang mga bangko at iba pang institusyong pampinansyal na mag-ulat ng mga kahina-hinalang transaksyon sa panahon ng halalan at magsagawa ng naaangkop na mga hakbang sa customer due diligence.

Hiniling din ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa mga financial entity na palakasin ang mga pagsusumikap sa pagbabantay laban sa electronic vote-buying at vote-selling.

Samantala, sinabi ni Laudiangco na sinisiyasat din ng mga awtoridad ang kamakailang pagtaas ng benta ng mobile phone, na pinaniniwalaan ng ilan na may kaugnayan sa pamamahagi ng pera sa panahon ng kampanya.

“Hindi lang NTC (National Telecommunications Commission) ang tumitingin dito, pati ang AFP (Armed Forces of the Philippines) at PNP (Philippine National Police),” aniya pa.

Ayon sa Comelec, 73 vote-buying complaints ang naihain na sa law department nito, kung saan 50 ang naaksyunan at 12 ang na-docket.

Samantala, nakatanggap na rin ang Task Force Kontra Bigay ng 88 valid reports sa pamamagitan ng Facebook at e-mail. Sa bilang na ito, 49 lamang ang isinumite na may mga sumusuportang ebidensya, sabi ng komisyon. RNT