KWF kinuwestyon ni Bato sa subersibong libro

KWF kinuwestyon ni Bato sa subersibong libro

November 11, 2022 @ 12:38 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang patuloy na paglilimbag at pamamahagi ng limang librong na naunang itinuring ng Komisyon ng Wikang Filipino bilang subersibong libro sa ginanap na deliberasyon ng P74 milyong badyet nito sa Senado.

Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa na kung mababasa ang ilang bahagi ng naturang libro ay maaaring ma-brainwash ang mambabasa sa galit sa pamahalaan.

“It has come to the attention of the security sector, particularly of the Armed Forces and the police… I can tell you right straight na pag nabasa ‘yan ng anak ko magiging subersibo ang anak ko,” ayon kay Dela Rosa.

“Prangkahan tayo dito. Tayo’y hirap na hirap na para kalabanin ang insurgency and yet meron tayong ahensya ng gobyerno na sumusuporta sa pag-radicalize ng utak ng ating mga kabataan para lumaban sa ating gobyerno. That’s very counterproductive,” dagdag niya.

Noong Agosto, nagpalabas ang KWF ng isang memorandum na nanawagan sa pagtigil sa “proliferation” ng ilang libro sa paaaralan ang libraries.

Lahat ng naturang libro ay inilimbag ng KWF kaya nang nag-order ito ng pull-out, sinalubong sila ng kritisismo sa akademya at ilang grupo.

Nitong Setyembre, sinabi ng komisyon sa House budget deliberation na binawi ang naturang memorandum nang binawi ng tatlong komisyunado ang kanilang lagda dito.

Ngunit, sinabi naman ni Senador Pia Cayetano na nagdedepensa ng badyet ng KWF kay Dela Rosa na hindi bahagi ng mandato ng KWF ang pagkaklasipika ng libro na nakatakda sa batas.

“Kung merong tanong, sa nature ng content, kung subversive tulad ng sinasabi ninyo, ang dapat magbigay ng decision dyan ay ang korte… Kasi wala sa batas ‘yung mandato nila na mag-desisyon non kung subversive ang libro o hindi,” ayon kay Cayetano.

Sinabi ni Dela Rosa na dapat maging “masinop” ang opisyal ng pamahalaan upang kumilos sa ganitong isyu.

“It should be prudent in our part as officials of this government na tingnan natin kung ano pinagp-print na libro. Bakit kailangan pa tayong aabot sa korte kung tayo binabantayan natin ang gastos ng gobyerno para i-print yan tapos makita natin na subversive ang laman. Bakit natin pabayaan pa? Bakit kailangan pumunta pa sa korte para magsabi na ihinto ang printing na ‘yan,” ayon kay Dela Rosa.

“You are evading your responsibility for the future of these students na makabasa ng mga libro na yan,” dagdag niya.

Dahil dito, iminungkahi ni Cayetano na maghain ng isang resolusyon upang repasuhin ang mandato ng KWF dahil limitado ang komisyon alinsunod sa kasalukuyang batas sa pagpapalakas ng ating lengguwahe.

“‘Yung mandato n’ya is on the side of languages. Wala tayong binigay na power dito sa komisyon na siyasatin ang content in terms of subversiveness, or love of country, God, walang ganon eh,” aniya.

“If the decision of the body eh… baguhin natin to, this will be referred to the committee but with the present law hindi po yun mandato nila,” dagdag niya.

“Para sa akin, higit na mabuti sa lahat ng ating mga kabataan, maging mga kabataan ba passionate for military service…hanggang sa mga anak natin kung sila man ay apathetic sa politika at ideolohiya hanggang sa mga kabataang aktibista… Just for the record, higit na maigi kung wala pong bina-ban na mga aklat,” giit naman ni Senador Risa Hontiveros.

“Patuloy magpakasigasig tayong mga magulang, mga guro, lahat ng responsableng adults maging sa ating pamahalaan na ilaban at ipanalo ang mga superyor na ideya hindi sa pamamagitan ng pagb-ban o anupaman pero sa paggabay at paghubog ng kritikal na pag-iisip,” dagdag ng senador. Ernie Reyes