Kylie, aminadong kailangang mahalin ang sarili!

Kylie, aminadong kailangang mahalin ang sarili!

April 30, 2022 @ 1:42 PM 2 months ago


Manila, Philippines – Sa presscon ng Ikaw Lang Ang Mahal, tinanong ang mga bidang sina Zanjoe Marudo, Cara Gonzales at Kylie Versoza kung sino ang huling taong sinabihan nila ng mga linyang Ikaw Lang Ang Mahal. Sina Zanjoe at Cara, ang sagot nila ay ang kanilang ina.

Si Kylie, ang inaasahang isasagot ay ang ex-boyfriend niyang si Jake Cuenca. Nauna na kasing napabalita na hiwalay na ang dalawa bago pa ang pagkumpirma ni Jake sa kanyang Instagram post na tapos na nga ang relasyon nila ni Kylie.

Pero ang sagot that time ng beuaty-queen turned actress ay, “Romantically siguro noong padulo ng college ko, sa una kong boyfriend. Siya ang sinabihan ko na ‘ikaw lang ang mahal ko’.”

Dagdag niya, “Present?” Nag-pause muna siya nang ilang sandali bago itinuloy ang sinasabi na natatawa, “Ah, sarili ko. Hahahaha! Kailangang sabihin ko ito sa sarili ko.”

Sa tanong naman sa kanya kung ano ang natutunan niya sa kanyang character sa nasabing pelikula, ang sagot ni Kylie, “Siguro may mga pagmamahal na wala sa tamang panahon. Siguro, puwede mong mahalin ang isang tao, pero mali ang… the right love at the wrong place, at the wrong time.”

Ang Ikaw Lang Ang Mahal ay mula sa direksyon ni Richard Somes. Ipapalabas ito sa May 20 sa Vivamax. Rommel Placente