Laban kontra iligal na droga tuloy – Digong

Laban kontra iligal na droga tuloy – Digong

June 12, 2022 @ 3:15 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nangako si outgoing President Rodrigo Roa Duterte, araw ng Linggo na ipagpapatuloy niya ang kanyang giyera laban sa ilegal na droga kahit pa bumaba na siya sa kanyang tanggapan sa Hunyo 30.

Iyon nga lamang, hindi niya alam kung paano niya ito gagawin.

Ang pahayag na ito ni Pangulong Duterte ay sinabi  niya sa isinagawang commissioning  ng Barko ng Pangulo ng Pilipinas Melchora Aquino, ang Philippine Coast Guard’s (PCG) Multi-Role Response Vessel 9702, sa South Harbor sa Manila.

“I will continue to operate. Bahala na kung papano, basta I will continue to operate against illegal drugs. Ngayon ‘yung gusto pumasok, I’m warning you, buhay [sa] buhay lang tayo (those who want to do drugs, we’re talking about lives here) — either you kill me or I will kill you. Simple as that,” ayon sa Pangulo.

“Hindi ko papayagan. Even as ex or former President, hindi ko payagan ‘yang society, ‘yung mga anak natin sisisrain mo. P*tang*n*, papatayin talaga kita. Wala akong pakialam,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Hindi naman siya nababahala sa mga kritisismong ibinabato sa kanya na may kinalaman sa di umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang administrasyon.

“Ang order ko talaga sa inyo noon pa, go out and destroy the apparatus of the drug syndicates in the Philippines. If you have to kill, because you have to protect yourselves from being killed, do it at ako ang nagbigay ng order,” anito.

“I will assume full legal responsibility. Akin yan. Akin lang yan. Sinasalo ko lahat. Basta ikaw magtrabaho ka diyan, drug or something” dagdag na pahayag ng  Chief Executive sabay sabing hindi dapat na matakot ang tagapagpatupad ng batas sa International Criminal Court (ICC).

Matatandaang, pansamantalang itinigil ng ICC ang imbestigasyon sa anti-drug war campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinagbigyan ng ICC ang kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas na huwag munang ituloy ang pagdinig sa kasong crimes against humanity laban kay Duterte.

Ayon sa dokumento ng ICC na may petsang Nobyembre 18, pansamantalang sinuspinde ng prosecution ang imbestigasyon habang isinasagawa ang assessment sa scope at epekto ng “deferral request.”

Nauna rito, sumulat si Philippine Ambassador to the Netherlands J. Eduardo Malaya kay Karim Khan, prosecutor ng ICC, kung saan hiniling niya sa international tribunal na bigyang daan ang isinasagawang imbestigasyon ng gobyerno tungkol sa drug war dahil gumagana naman ang mekanismo sa bansa na titiyak sa pagpapatupad ng rule of law at due process sa Pilipinas.

Matatandaan na ilang ulit na iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya hahayaan na litisin siya ng banyagang korte dahil gumagana naman ang justice system sa bansa.

Nahaharap si Duterte sa ICC sa crimes against humanity dahil nauwi na umano sa human rights violation ng anti-drug war campaign nito.

Kaugnay nito, nanindigan muli kahapon ang Malacañang na walang hurisdiksyon ang ICC para imbestigahan si Duterte. Kris Jose