PERA-PERA BURAHIN SA NO CONTACT APPREHENSION

August 10, 2022 @5:41 PM
Views:
24
PINAKIKIUSAPAN ngayon ng Land Transportation Office ang mga Local Government Unit at Metro Manila Development Authority na suspindehin muna ng mga ito ang pagpapairal ng no contract apprehension policy laban sa mga driver o may-ari ng mga ito.
Ang no contact apprehension policy ay panghuhuli sa mga sasakyan na umano’y lumalabag sa mga batas-trapiko at ipinatutupad ang mga ito ng mga LGU at MMDA.
Sa polisiyang ito, kapag may paglabag gaya ng pagbalewala sa traffic light, pagbara sa mga daanan ng mga mamamayang tumatawid sa mga kalsada, hindi pagsusuot ng seat belt, reckless driving at iba pa at napiktyuran ang sasakyan, makaraan ang ilang araw, darating na lang ang isang sulat na nagsasabing magbayad ang may sasakyan ng kaukulang multa.
PUNO NG REKLAMO
Habang lumalawak sa Metro Manila ang pagpapairal ng nasabing polisiya, mabilis ding dumarami ang mga hinuhuli ngunit nagrereklamo.
At dama sa mga ito ang kakulangan o kamalian sa mga batas na pinaiiral ng nasabing mga lokal na pamahalaan at MMDA.
Oo nga pala, wala pang pambansang batas para rito at ang mga LGU at MMDA pa lang ang may mga ordinansa na pinaiiral na.
Isa sa mga reklamo ang pagmumulta sa mga may-ari ng mga sasakyan kahit hindi sila ang tsuper.
Parang command responsibility raw na ang may-ari ang may sala sa kasalanan ng tsuper.
Marami ring nagrereklamo na matagal na nilang naibenta ang kanilang mga sasakyan ngunit sila pa rin ang pinadadalhan ng notisya at pinagbabayad.
Hindi naman kasi ipinarerehistro kaagad ang mga binibiling sasakyan ng mga nakabibili at inirerehistro pa rin ang mga ito sa ngalan ng dating mga may-ari.
IBA PANG MGA REKLAMO
Isa sa matinding inirereklamo ngayon ang napakabalis na pagpapalit ng mga ilaw sa mga traffic light.
Lalo na umano sa Lungsod ng Maynila, halos wala nang yellow light kundi nagpapalitan na lang ang pula o red at berde o green.
Kaya panay ang hulihan sa lungsod na ito.
Kapag nakasunod ka sa traysikel at mabagal na trak na tumatawid sa mga intersection, sa bagal ng mga ito, mahahagip at mahahagip ka ng mabilis na nagpapalitang ilaw.
Para sa maraming motorista, tila sinasadya na ito para kumita ang Lungsod ng Maynila, at lalo na ang mga nakakontrata sa sistema ng no contact apprehension policy.
Mabuti, mga Bro, kung maliliit lang ang mga multa.
Libo-libo ang mga sinisingil at meron ngang nakaiipon ng bayarin sa halagang P50,000 hanggang P100,000.
PAG-ARALANG HUSTO AT GAWIN ANG TAMA
Maganda ang nasabing polisiya dahil mabilis ang pagpasok ng salapi sa kaban ng bayan.
Subalit hindi nangangahulugan na wala nang korapsyon dahil may malaking paniniwala na malaki ang usapan sa bilihan at bentahan ng mga materyales at iba pang suplay rito, paglalagay at operasyon nito at iba pa.
Kaya ganoon na lang umano kamahal ang sinisingil ng mga LGU at MMDA hindi dahil sa mas mapabuti ang serbisyong bayan kundi dahil malaking pera ang pinag-uusapan at pinaghahati-hatian.
Dapat gumawa ng paraan ang mga kinauukulan na ganap na burahin ang paniniwalang may matinding korapsyon sa sistema na higit na nagpapahirap sa mga mamamayan sa halip na pagaanin ang kanilang kalagayan.
HANGA SA MATATAG NA PANININDIGAN NI INDAY

August 10, 2022 @5:38 PM
Views:
20
BINULAGA tayo ng matapang at may paninindigang pahayag ng ating bagong Vice President at Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, Sara Z. Duterte, nitong pagpasok ng buwan ng Agosto, sa kanyang reaksyon sa mga pakulong muli ng maka-kaliwang Makabayan Bloc, dahil sa symbolic niyang kasuotan sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sa kanyang inilabas na pahayag noong August 1, 2022, sinabi ni Inday Sara na natatawa na lamang siya sa mga pakulo nitong Makabayan Bloc kuno, sa Kongreso, kahit alam ng mga ito na isinuka na ng taong bayan ang ilan sa partylist na kasama nito tulad ng Bayan Muna.
“Marami na ang naloko ng Makabayan bloc.Magaling sila sa propaganda at sanay sila sa pagsisinungaling. Sa loob ng maraming panahon, walang naglakas-loob na ilabas ang katotohanan tungkol sa kanila. Gagawin natin ito ngayon,” ang mga nabitawang salita ng ating VP at Department of Education Secretary Inday Sara.
“Ilang batang Pilipino na ang kanilang nahikayat na sumanib sa NPA para sumali sa isang giyera na hindi naman nauunawaan ng mga kabataan – isang giyera na hinding-hindi nila maipapanalo dahil isa itong giyera na laban sa kapwa nila mga Pilipino.”
“Ilang pangarap at magandang kinabukasan na rin ba ng mga kabataan ang hinayaan ng Makabayan bloc na masira sa loob ng maraming mga taon? Ilang kabataan na ba ang namatay bilang miyembro ng NPA?”
Maanghang na pananaw pa ng ating DepEd Secretary.
Malalim ang punto niya, lalo na nang sabihin niyang “ang pagsasabi ng katotohanan tungkol sa relasyon ng Makabayan bloc at sa teroristang NPA, CPP, at NDFP ay hindi red-tagging o terror-tagging – ito ay pagsasabi lamang ng katotohanan.”
Nakikiisa ako sa matapang na pananaw at masidhing paninindigan ng ating Bise Presidente at butihing Kalihim ang Kagawaran ng Edukasyon Sara Duterte laban sa mahigit limang dekakadang panloloko, panlilinlang, pagsisinungaling at panggagantso ng mga mapagkunwaring makabayan na ang layunin ay kumitil ng kapwa Pilipino upang maagaw ang poder mula sa demokratikong pamahalaan.
Lalabanan natin sila. Buhay man ang maging kapalit. Ililigtas natin ang mga biktima ng panlilinlang lalo na ang mga kabataang sistematikong niligaw ang pag iisip, sinira ang buhay at pamilya at kinabukasan.
May panahon ng paniningil at pagtutuos. At iyon ay hindi bukas ngunit ngayon na!
oOo
Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!
ILLEGAL QUARRYING SA ALBAY IPINATIGIL

August 10, 2022 @5:36 PM
Views:
23
TINULDUKAN na ni Albay Governor Noel Rosal ang walang puknat na iligal na paghahakot ng black sand mula sa malalaking ilog na pinaniniwalaang ugat ng malawakang pagbaha sa lalawigan.
Ilang araw matapos na umupo bilang Gobernador si Rosal, kaagad siyang nagpalabas ng kautusan para hulihin ang mga biyahero ng black sand na walang kaukulang permiso mula sa DENR at PENRO ng probinsyang matagal ding ginawang gatasan ng ilang buwayang personalidad na malapit sa nakaraang administrasyon.
Kamakailan, ipinatawag ni Rosal ang mga kontraktor at quarry operator upang ipaalam ang bagong panuntunan nang paghahakot ng black sand kung saan ipinagbawal na ang pagkuha nito sa ilog na may limang kilometro ang layo mula sa kalsada.
‘Yung mga kanal na daluyan ng lahar na malapit sa paanan ng Bulkang Mayon ang napagkasunduang magiging ‘quarry area’ ng magbubuhangin upang hindi magkumpulan ang ibinubugang lahar na sadyang delikado sa Albayanos kapag hindi inaasahang mag-alburuto ang bulkan at posibleng rumagasa patungo sa kabahayan.
Batay sa panibagong kautusan ni Rosal, ang mga lehitimong quarry operator lang ang pahihintulutang maghakot ng black sand sa kanilang lugar kaya nasisiguro ng mga Albayano na diretso sa kaban ng lalawigan ang ibinabayad na buwis at hindi tulad ng dati na ang bulsa lang ng ilang tiwaling opisyal ang nakikinabang.
Kunsabagay,hindi na bago sa dating Alkalde ng Legaspi City ang pagpapatupad ng mga programang sadyang pakikinabangan ng nakararaming Bikolano bunsod sa noon pa man ay tsampyon si Rosal sa wasto at tamang pamamalakad ng lokal na pamahalaan dito.
Siya ay ilan lang sa natitirang ‘servant leader’ ng bansa na inuuna ang kapakanan ng nakararami kesa sa sarili.
Abangan ang kasunod na isyu kung saan tatanggalan ng taluknong ang iligal na sugal na ‘Lotteng’ sa sa isang isla sa sa Kabikolan na hindi maipatigil ng awtoridad dahil sa umano’y milyones na pumapasok sa bulsa ng mga ito.
Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email [email protected]
PAMBUBULLY SA BATA NG TIYUHIN

August 10, 2022 @5:34 PM
Views:
22
NGAYON mga pare ko,bigyan nating daan ang isang reklamo na may kinalaman sa bullying o pambubully sa isang batang siyam na taong gulang mula sa Bulacan.
Sa liham na natanggap ng inyong lingkod, isang alyas Dennis Cristobal Parulan, nasa hustong gulang, ng Barangay Antipona sa Bocaue, ang inirereklamo nang pambubully.
Hindi naman iba kay Dennis ang kanyang binubully dahil mismong pamangkin niyang babae na 9- taong gulang at anak ng kapatid niyang lalaki.
Simula pa noong 2021 ay madalas na sigaw-sigawan at tawagin sa kung ano-anong kapintasan ni Dennis ang kanyang pamangking babae.
Tinatawag ni Dennis ang bata na pangit, negra, malaking ngipin, chimpanzee at kung ano-ano pang katawagan na nagiging dahilan upang tawanan ang bata ng kanyang mga kalaro at kapwa bata.
Hanggang ngayon, patuloy ang ginagawang paglabag ni Dennis sa karapatan ng bata na walang magawa kundi umiyak na lang.
Nakapagtataka lang ay kung bakit hindi man lang ipinagtatanggol si Cielo ng kanyang mga magulang bagaman nagsusumbong ang bata at nakikita at naririnig naman nitong sina Noel at Liza ang ginagawang pambubully sa kanilang anak.
Sabi pa sa liham, walang pinipiling araw o oras ang ginagawa ni Dennis sa kanyang pamangkin. Araw o gabi, kung ano-anong panlalait ang ibinabato nitong si Dennis sa bata.
Hindi batid nang nagsumbong kung bakit ipinagwawalang-bahala nitong mga magulang ng bata ang pangwawalanghiya nitong si Dennis sa kanilang anak.
Hindi ba nila alam na may psychological effect ito sa bata? Anong klaseng mga magulang ang mga ito?
Baka naman takot sila kay Dennis? Pero itong si Dennis na walang sumasaway ay mabigla na lang kapag pinuntahan siya ng mga pulis at lagyan ng posas bago dalhin sa presinto.
Abangan ang mangyayari kay Dennis sapagkat mismong mga saksi at testigo ang gumagawa ng paraan upang matigil ang kanyang ginagawa sa kawawang bata.
JUETENG SA RIZAL MATIBAY
Patuloy ang operasyon ng jueteng ni Susan Tisay sa Rodriguez at iba pang bahagi ng Rizal habang patuloy naman ang Perya ng Bayan na pinatatakbo ng isang retired police kahit pa sinasabi ng Philippine Charity Sweepstakes Office na wala silang basbas rito. Sa madaling salita, PCol. Dominic Baccay, namamayagpag ang sugal sa iyong nasasakupan.
Hindi mo nga ba alam ang operasyon ng jueteng? O baka naman nadadaan sa maboteng usapan ang iyong opisyales at mga tauhan?
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764,09266719269 o i-email sa [email protected] o [email protected]
COMELEC HANDA SA BARANGAY, SK ELECTIONS SA DECEMBER 5

August 10, 2022 @5:29 PM
Views:
22