Laban ni Eleazar suportado ng Pangasinan mayor

Laban ni Eleazar suportado ng Pangasinan mayor

February 22, 2022 @ 7:26 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Mainit na tinanggap ng mga residente ng Lingayen, Pangasinan si senatorial candidate at dating PNP chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar nang makarating sa kanilang lugar ang pinaigting niyang kampanya.

Sa pakikipag-usap sa iba-ibang grupo doon, sinabi ni Eleazar na sa kanyang qualification at subok nang track record sa serbisyo publiko ay tiyak nang makararating sa gobyerno ang boses ng madla, kabilang na yaong mga napapabayaan.

Nagpasalamat siya kay Lingayen Mayor Leopoldo Bataoil para sa tiwala sa kanyang adbokasiya at suporta sa kanyang pagtakbo sa Senado.

Si Bataoil, na isa ring graduate ng Philippine Military Academy at nagsilbi pang congressman, ang nagpakilala kay Eleazar sa mga nasasakupan at sinamahan pa ang huli sa pag-iikot sa palengke’t iba pang bahagi ng Lingayen, kasama ang maybahay ni Eleazar na si Lally.

“Ang klase ng liderato at serbisyo na ipinakita ni Mayor Bataoil, na naging dahilan upang mahalin at patuloy niyo siyang mahalin, ang klase ng pagseserbisyo na maaasahan ninyo sa akin,” ani Eleazar.

“Kaya pagtulungan na natin ito at tulungan nating i-swak sa Senado ang karapat-dapat na kandidato na subok na sa serbisyo at may napatunayan na manindigan sa tama, at ipaglaban ang tama,” ani Eleazar, na Number 23 sa listahan ng senatorial candidates sa balota.

Ayon kay Eleazar, bagamat marami sa mga kapwa kandidato ang naghahayag ng kagustuhang tumulong sa publiko, makatitiyak lamang ang mga botante kung may qualification at kakayanang iparating ito sa nakararami habang nasa campaign period.

Matatandaan na habang nasa pulisya pa’y masigasig na tinugis ni Eleazar ang mga sindikato ng krimen at iligal na droga, kabilang ang paglansag sa “kubol” system, o ang special treatment ng mayayamang nakapiit sa New Bilibid Prison. Naglunsad din siya ng iba-ibang paraan upang mabuwag ang “padrino” system sa PNP recruitment.

Ayon kay Eleazar, sa mahigit 38 niyang pagsisilbi sa pulisya ay mas lalo niyang napagtanto ang koneksyon sa pagitan ng peace and order at mga problemang panlipunan, kaya nainiwala siya na ang peace and order ay pundasyon ng pag-unlad.

“Minsan mayroon kang nahuli na dalawang mag-ama, nagtagaan, only to find out ang problema pala, problema sa patubig sa kanilang palayan. Mayroong isang ama, nang-snatch ng cellphone, mayroon namang isa pa, nagshoplift ng pagkain sa isang tindahan, nagnakaw ng cellphone para ibenta dahil walang makain ang pamilya. Para sa pulis, simpleng kaso ‘yan na physical injury o theft or robbery pero sa mga kapit sa patalim, ito’y mas malalim na problema. At nakikita natin ‘yun sa lipunan,” aniya.

Ngayon naman, ayon kay Eleazar, ay mga impormasyong napupulot sa pagkonsulta sa publiko ang lalo pang nagtutulak sa kanyang magsilbi sa sambayanan.

“Napakarami nating batas, maaaring kailangan nating baguhin o dagdagan pero ang mas bibigyan natin ng importance ay ang pagpapatupad nito sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kakayahan ng ating pamahalaan upang maayos at mabilis na gawin ito. Ito ang laban na dadalhin natin sa Senado,” aniya. Jan Sinocruz