Laban sa misinformation, walang budget – Press Sec.

Laban sa misinformation, walang budget – Press Sec.

September 3, 2022 @ 9:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inamin ng Office of the Press Secretary (OPS)  na wala pang pondo na nakalaan para labanan ang misinformation sa panukala nitong budget para sa taong 2023.

“Under the National Expenditure Program for 2023, wala pa po. Kaya ang ginagawa namin is we do what we can. Nagd-double time ‘yung aming mga empleyado for our social monitoring,” ang sinabi ni  Press Sec. Trixie Cruz-Angeles kay Albay 1st District Rep. Edcel Lagman sa isinagawang pagdinig ng House appropriations committee kaugnay sa  budget ng OPS.

Ani Cruz-Angeles, plano ng kanyang tanggapan na lumikha ng fact-checking team at magbigay ng karagdagang impormasyon ukol sa mga misinformation at potensiyal na fake news  na kanilang namo-monitor sa  pamamagitan ng  social media.

Tinukoy nito ang  ginawa nilang pagpapaliwanag ukol sa “exercise of visitorial powers” kumpara sa raid o pagsalakay sa gitna ng kamakailan lamang na sunod-sunod na pagpunta ng Bureau of Customs sa ilang bodega na pinaghihinalaang mayroong hoarding  ng asukal.

“Hindi pa po ganon kalaganap siguro sa punto na lahat ng instances of potential fake news ay masasagot namin. Gayunpaman ay inuumpisahan namin na mas responsive kami doon sa mga issues tungkol sa mga government functions, sa exercise ng executive powers and so on,” ayon kay Cruz-Angeles.

Nagpanukala ang  OPS ng ₱1.22 billion budget para sa susunod na taon, sinasabing “24% less” mula sa kasalukuyang pondo nito.

Bahala naman na ang plenaryo kung pagbibigyan ang panukalang budget ng OPS. Kris Jose