Laban vs rebelde palalakasin pa kahit patay na si Joma – Carlos

Laban vs rebelde palalakasin pa kahit patay na si Joma – Carlos

January 13, 2023 @ 6:12 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sa kasunod ng pagkamatay ng founder ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Joma Sison, palalakasin pa rin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang laban kontra sa mga rebelde sa bansa.

Ito ang sinabi ni National Security Adviser Clarita Carlos nitong Biyernes, Enero 13 kung saan hindi magpapakakampante ang pamahalaan laban sa mga ito sa kabila ng ulat na humihina na ang pwersa nila sa ilang rehiyon.

“Sa halip, magkakaroon ng mas maigting na efforts,” ani Carlos sa isang televised public briefing.

“The moment we have peace and order, there will be economic growth. Ito ang key sa ating economic development,” dagdag pa niya.

Matatandaan na noong Disyembre ay pumanaw na ang lider ng CPP na si Sison sa edad na 83 sa Netherlands.

Kasunod ng pagkamatay nito ay hindi naman tinanggap ng CPP ang Christmas ceasefire sa pamahalaan at pinapayagan pa rin ang armed wing nito na New People’s Army (NPA) na magkasa ng mga opensiba laban sa tropa ng gobyerno.

Ani Carlos, tututok ang NTF-ELCAC sa pagbibigay ng livelihood projects at pinag-aaralan din ang mga oportunidad na maibibigay pa sa mga rebeldeng susuko.

“Hindi naman tinatanggap ng community. Marami silang mental challenges kasi nagbalik-loob nga sila pero ‘yung dati nilang pamilya, dati nilang komunidad, hindi sila natatanggap,” anang opisyal.

Dagdag pa, magbibigay din sila ng psychological at psychiatric assistance sa mga rebeldeng lalapit sa pamahalaan. RNT/JGC