Laban vs WILD diseases ikinasa ng DOH

Laban vs WILD diseases ikinasa ng DOH

November 11, 2022 @ 4:32 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagkasa ng kampanya kontra WILD diseases ang Department of Health (DOH) partikular na sa rehiyon ng Calabarzon kung saan dumami ang kaso nito.

Ang WILD disease ay katagang ginamit ng DOH na tumutukoy sa “water-borne diseases, influenza, leptospirosis, and dengue” na karaniwang dumarami kapag panahon ng tag-ulan.

Matatandaan na napabalitang napakalaki ng itinaas sa kaso ng mga sakit na ito.

“The DOH-Calabarzon has strengthened its campaign against WILD diseases in the region to prevent an outbreak,” sinabi ng DOH-Calabarzon Health Education and Promotion Unit nitong Huwebes, Nobyembre 11.

Sa ulat, mula Enero ay nakapagtala na ang DOH – Calabarzon ng 12,734 kaso ng influenza-like illness o 34.4% na pagtaas mula noong nakaraang taon.

Naitala naman ang 21 nasawi dahil dito.

Napakalaki rin ng itinaas sa kaso ng dengue na mayroong 20,706 kaso sa nakalipas na 10 buwan o 152% na paglobo, at mayroong 40 nasawi.

53% naman ang itinaas ng leptospirosis sa 155 na kasong naitala at 16 na nasawi.

Nakita ang pinakamalaking pagtaas sa 282% ang mga kaso ng acute bloody diarrhea sa 271 na kaso ngayong taon mula sa dati ay 71 na kaso lamang kasabay ng typhoid fever na may 242% na itinaas sa 571 na kaso nito.

Nagpaalala naman si Dr. Ariel Valencia, direktor ng DOH-Calabarzon director, na posible ang banta ng WILD diseases buong taon.

“Kasi ang lepto, as it is, endemic iyan eh. Ang binabantayan natin ay iyong magiging epekto niyan sa tao mismo. Once na magkaroon ng lepto, maka-recover ba siya o maging fatality? Kaya critical ang early detection and early diagnosis,” ani Valencia. RNT/JGC