Labanan sa senate presidency tumitindi; Imee, Chiz nagbabalak rin – Tulfo

Labanan sa senate presidency tumitindi; Imee, Chiz nagbabalak rin – Tulfo

May 19, 2022 @ 12:51 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Maliban kina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senator Cynthia Villar, ikinokonsidera rin nina Senators Imee Marcos at Chiz Escudero ang pagiging Senate presidency sa 19th Congress.

Sa interbyu ng CNN Philippines, pinangalanan ni Senator-elect Raffy Tulfo ang apat na kasamahan na kamakailan niyang nakausap hinggil sa pagkapangulo ng Senado.

“Meron akong mga nakausap, si Sen. Cynthia Villar, si Sen. Migz Zubiri. And in fact, may tumawag rin sa akin noon, si Sen. Imee Marcos,” pagsisiwalat ni Tulfo.

“Kagabi, katabi ko si Sen. Chiz Escudero,” ani Tulfo na pinatutungkulan ang nangyaring Senate proclamation.

“In passing tinanong ko, ‘kayo ho ba senator may balak ring tumakbo sa pagka-Senate president?’ Sabi niya pinag iisipan rin niya.”

Hindi naman na pinalawig pa ni Tulfo kung gaano kalawak ang pinag-usapan nila ni Marcos.

Kamakailan ay sinabi ni Sen. Sonny Angara na sina Marcos at Senator-elect Loren Legarda ay tinatarget naman ang pangalawang puwesto sa Senado na ang Senate president pro tempore.

Hindi binanggit ni Tulfo si Sen Win Gatchalian, na personal na ibinunyag noong nakaraang linggo na tatakbo rin siya bilang Senate president.

Sa kabilang banda, nang tanungin si Tulfo kung sino naman ang kanyang ibobotong susunod na Senate Presidency.

“Simple lang, ‘yung Senate president na sa tinigin ko wala masyadong business interest na pinoprotektahan o poprotektahan,” aniya pa.

“Sa gagawin kong pag-iimbestiga, kung kahit merong pinakakaunting business interest pero ‘yung interes niya ay makakasakit din sa mga taong pinoprotektahan ko tulad ng mga manggagawa, mga sinusulong kong karapatan, meron pala siyang agency or meron siyang malaking factory na nang-aapi sa kanyang mga empleyado, hindi ko iboboto yun,” giit pa niya.

Kabilang si Tulfo sa mga baguhan na nakapasok sa “Magic 12” na pumangatlo sa nakaraang Halalan 2022. RNT