Labi ng Cessna crash victims sa Mayon posibleng i-airlift na lang

Labi ng Cessna crash victims sa Mayon posibleng i-airlift na lang

February 27, 2023 @ 1:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Posibleng i-airlift na lamang ang labi ng apat na sakay ng bumagsak na Cessna 340 malapit sa bunganga ng Bulkang Mayon.

Ayon kay Mayor Carlos Irwin Baldo ng Camalig, Albay, naghahanda na ang Philippine Air Force sa isasagawang hakbang na ito, matapos na makuha na sa crash site ang bangkay ng mga biktima at nadala na sa base camp na nasa taas pa rin ng bulkan.

Ang ideya ng pag-airlift sa mga ito ay dahil hirap ang retrieval team na maibaba mula sa bulkan ang mga bangkay dahil sa matarik ang daraanan na sinabayan pa ng masamang panahon.

“Kinausap namin ‘yong Philippine Air Force na kuhanin na ang chopper, humanap ng puwedeng ma-landing-an or baka i-hoist namin ‘to para mapadali na din kaso ang problema nga itong panahon natin,” pahayag ni Baldo sa panayam ng TeleRadyo nitong Lunes, Pebrero 27.

“Kung gumanda ang panahon, baka abutin ‘to [ng] mga 3 days kasi ‘pag gabi, hindi naman makagalaw na ‘yong chopper natin… depende pa rin talaga sa situwasyon sa taas at sa panahon,” dagdag niya.

Matatandaan na noong Pebrero 18 ay napaulat na nawawala ang Cessna 340 plane matapos na umalis sa Bicol International Airport patungong Metro Manila sakay ang piloto nito, co-pilot at dalawang consultant ng Energy Development Corporation. RNT/JGC