Labi ng Cessna plane victims sa Mayon nailagay na sa body bag

Labi ng Cessna plane victims sa Mayon nailagay na sa body bag

February 27, 2023 @ 3:36 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Naging pahirapan ang ginawang retrieval operations ng lahat ng ahensya ng gobyerno sa paghahanap sa bangkay ng apat na sakay ng bumagsak na Cessna plane sa Bulkang Mayon, bagaman nailagay na ang mga ito sa body bag, iniulat kaninang umaga, Pebrero 27.

Ayon kay Camalig, Albay Mayor Carlos Irwin Baldo Jr., nailagay na sa body bag ang bangkay nina pilot Captain Rufino James Crisostomo Jr. co-pilot Joel G. Martin, Simon Chipperfield at Karthi Santhanam.

Sinabi ni Baldo, may posibilidad na aabutin pa ng tatlong araw bago maialis ang bangkay ng apat na biktima.

Aniya, kailangan dalhin ng mga rescuer ang mga bangkay sa lugar na pwedeng makuha ng helicopter sa pamamagitan ng paglalagay ng lubid hanggang sa ibabang bahagi ng bundok.

Halos inabot ng 300 metro mula sa pinagbagsakan ng eroplano ang inikot ng mga retrieval personnel para lamang madala ang mga bangkay dagdag pa rito ang makapal na ulap at malambot na lupa.

Matatandaan na noong Pebrero 18 ay sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ang mga air traffic controller ng Bicol International Airport ay nawalan ng kontak sa Cessna airplane na may registry number na RP-C2080 na umalis sa Bicol International Airport noong 6:43 a.m.

Huling nakipag-ugnayan dito ang Air traffic controllers noong 6:46 a.m. nang ito ay papalapit sa Camalig Bypass Road sa taas na 2,600 talampakan. Mary Anne Sapico