Labi ng nasawing “middleman” sa Lapid case, pwede pang i-autopsy – SPD

Labi ng nasawing “middleman” sa Lapid case, pwede pang i-autopsy – SPD

October 24, 2022 @ 7:56 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Kirby John Brion Kraft na maaari pa ring magsagawa ng awtopsiya sa labi ng namatay sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) na itinuturong middleman na si Crisanto Villamor kaugnay sa pagkakapaslang kay broadcaster at commentator Percival Mabasa o mas kilala bilang si Percy Lapid nitong Oktubre 3.

Sinabi ni Kraft na bagama’t idineklara na ng Philippine National Police (PNP) na sarado na ang kaso dahil sa pagkakaaresto sa sumukong self-confessed gunman na si Joel Escorial gayundin ang pagkakakilanlan ng tatlo pang suspects na kinabibilangan ng magkapatid na sina Edmon at Israel Dimaculangan at isang nagngangalang Orly o Orlando.

Si Escorial at ang tatlong suspects na kasalukuyang nakalalaya pa rin ay sinampahan na ng kasong murder sa Department of Justice (DOJ).

Ayon kay Kraft, sa kabila ng pagdedeklara ng PNP na ‘case solved’, patuloy pa rin ang imbestigasyon sa naturang kaso at pagtugis sa tatlong suspek na nakalaya pa rin.

Idinagdag pa ni Kraft na maaari pa ring magsagawa ng panibagong awtopsiya sa bangkay ni Villamor upang malaman ang tunay na ikinamatay nito sa loob ng NBP.

Sinabi din ng SPD chief na sa isinagawang awtopsiya ng National Bureau of Investigation (NBI) sa bangkay ni Villamor ay kasama ang ilang miyembro ng SPD forensic unit kung kaya’t kanilang inirerespeto ang resulta ng isinagawang awtopsiya.

Inamin ni Kraft na malaking tulong sa kanila ang pagbibigay ni Escorial ng kanyang passbook na maaaring makapagtuturo sa mastermind na nag-utos sa pagpatay kay Lapid habang kasalukuyan namang inaalam ng Special Investigation task Group (SITG) ang pagkakakilanlan ng taong nagdeposito ng pera bilang kabayaran sa kanilang trabahong pagpatay sa broadcaster. James I. Catapusan