Labi ng nasawing Pinoy sa Qatar naiuwi na

Labi ng nasawing Pinoy sa Qatar naiuwi na

December 14, 2022 @ 2:22 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iniuwi na sa bansa ang labi ng Pinoy overseas worker na nasawi habang nagtatrabaho sa lugar na pinagdadausan ng World Cup sa bansang Qatar.

Ito ang sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega kung saan naiuwi na ang labi ni Alexander Pabustan sa Sta. Ana, Pampanga.

“Na-repatriate na po yung bangkay ‘no, taga-Pampanga po, may biyuda siya dito,” pahayag ni De Vega sa panayam ng TeleRadyo.

“First of all dinaramdam namin yun, yung nangyari po ‘no. Aksidente yung nangyari kasi ayon sa pamilya,–may bayaw siya eh, may bayaw siya, nasa Qatar din–meron siyang heart condition. Kaya nagka-heart attack tapos bumagsak siya, habang nagtatrabaho sa tabi ng forklift,” dagdag pa nito.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa umano ang imbestigsyon ng mga awtoridad upang malaman kung mananagot ba ang employer ni Pabustan.

“Kasi ang problema po, may nalabag yung safety protocols kasi kailangan nakasuot siya nung helmet, baka hindi binigyan ng helmet ng kanyang kumpanya, proteksyon sa ulo, ani De Vega”

“So kaya ngayon, sabi po ng mga taga-Qatar, pamahalaan ng Qatar iniimbestigahan nila at alinsunod sa kanilang pagsisiyasat, kung anong nangyari, maaaring mananagot yung kumpanya kung labag sila sa batas,” dagdag nito.

Bilang pagtatapos, siniguro ng DFA na handa itong tumulong sa pamilya ni Pabustan. RNT/JGC