Lacson kay Legarda: CPP-NPA, mga terorista

Lacson kay Legarda: CPP-NPA, mga terorista

September 4, 2022 @ 3:55 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ni dating senador Panfilo Lacson si Senate President Pro Tempore Loren Legarda na ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ay kaaway ng estado.

“Simply put, an armed terrorist group — already designated not only by the government of the Republic of the Philippines but also by the European Union, the United States of America, and four other countries (Canada, United Kingdom, Australia, New Zealand) — is unequivocally an enemy of the state,” ayon naman sa pahayag ni Lacson.

Ang paalala ni Lacson ay bunsod ng pag-amin ni Legarda na dati niyang nakatrabaho ang makakaliwang grupo at hindi niya ito ikinakahiya.

Ang nasabing manipestasyon  ni Legarda ay matapos ang privilege speech ni Senator Francis Tolentino na nagmungkahi na dapat ibunyag ng mga pampublikong opisyal ang anumang relasyon sa mga teroristang grupo, kabilang ang Abu Sayyaf Group at CPP-NPA-NDF.

Sinabi ni Lacson, na may-akda ng Republic Act 11479 o ang Anti-Terrorism Act, na anumang hakbang para amyendahan ang batas ay isang kawalang-galang sa mga unipormadong tauhan ng bansa at iba pang biktima ng kalupitan ng CPP-NPA-NDF, na aniya ay “nawalan na ng ideolohiya, mga prinsipyo sa paglipas ng mga taon.”

Sinabi ng inter-agency body na ang “sugar-coated pronouncements” ni Legarda ay nagpapakita na ang mambabatas ay hindi itinuturing na teroristang organisasyon o kaaway ng estado ang CPP-NPA-NDF.

Nagbabala rin ang NTF-ELCAC na kung magpapatuloy si Legarda para sa pagsusuri sa RA 11479, magtataksil siya sa kanyang panunumpa sa tungkulin.

“Your proposal to review the anti-terror law is definitely not for the good of the Filipino people. At some point in your political career, Senator Legarda, you must make that most difficult choice of doing what is right at the expense of trying to please everyone,” ayon sa NTF-ELCAC. RNT