Lacson-Sotto tandem, posibleng di na dumalo sa Comelec debate

Lacson-Sotto tandem, posibleng di na dumalo sa Comelec debate

April 22, 2022 @ 7:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines — Posibleng hindi na sumipot sa rescheduled na debate ng Commission on Elections (Comelec) sina presidential candidate Senator Panfilo Lacson at running mate niya na si Senate President Vicente Sotto III.

Matatandaang sa halip na sa April 23 at 24 ay gaganapin na lamang ang vice presidential at presidential debate sa April 30 at May 1.

Ayon kay Sotto, nag-adjust sila sa kanilang campaign schedule para sa makadalo sa orihinal na petsang ibinigay ng Comelec para sa debate.

Maigi aniya kung tuluyan na lamang na kanselahin ang debate ng Comelec.

“Tigilinan na lang nila, cancel na lang nila yung debate na ‘yan,” saad ni Sotto.

Aniya, handa naman siyang dumalo sa mga election debates dahil pagkakataon ito para sa kanya na magtanong sa kanyang mga katunggali hinggil sa mga nagawa nila sa panahon ng pandemya.

Gayunman, may mga naka-schedule na rin silang campaign engagements na mahirap nang baguhin para lang maka-adjust sa bagong petsang ibinigay ng poll body.

“I’m seriously considering skipping the debates. I cannot just move my schedule like that. Napakaraming nakaschedule sa akin ng 29, 30 and going into the last week of the campaign,” ani Sotto.

“Tutal yung mga questions nila wala namang ka-kwenta-kwenta,” dagdag niya.

Samantala, sabi ni Lacson posibleng hindi na sila makapunta sa huling bahagi ng debate ng Comelec dahil sa conflicting schedules lalo’t dalawang linggo na lamang ay matatapos na ang campaign period sa Mayo 7.

“In all likelihood, baka i-skip na lang namin yung debates pagka ganyan,” sabi ni Lacson.

“Pinostpone nila yung April 24 na presidential debate to May 1, we cannot make those adjustments anymore kasi nakakasa na yung May 1. Yung sa vice presidential naman from April 23, ginawang April 30, we cannot also make adjustments just like that because we have our coordinators already making or already have made their preparations for those activities,” giit niya.

Sabi pa ni Lacson, hindi na mahalaga sa kanila kahit hindi sila makadalo sa mga huling debate ng Comelec.

Aniya, napatunayan na niya ang kanyang sarili sa naunang debate ng Comelec at iba pang forum kaya sa tingin niya ay hindi makakaapekto sa kanyang kandidatura ang hindi pagsipot sa debate.

“Yung mga naghahabol para ipakita yung kanilang kakayahan sa debates, yun dapat ang manghinayang. Baka ngayon makapag-ready sila, makapag-prepare better, but in my case, I think I have proven myself enough,” dagdag niya. RNT/ JCM