LACSON-SOTTO TANDEM PWEDE

LACSON-SOTTO TANDEM PWEDE

July 13, 2021 @ 7:29 PM 1 year ago


ELEKSYON na nga, kaya naman kung ano-anong tandem na para sa pagka-Pangulo at Pangalawang pangulo ang naglalabasang balita.

Naunang umalingawngaw ang Sara Duterte – Bongbong Marcos tandem, Bongbong – Sara tandem, Leni Robredo – Sonny Trillanes tandem, Sara – Rody Duterte tandem at ang tandem nina Sen. Ping Lacson at Senate President Tito Soto.

Pero habang wala pang pormal na anunsyo, ang mga tandem na ito’y mananatiling tsismis at kuwentong kutsero lang.

Sa mga tandem na ito, ang Lacson – Soto tandem ang tila mauuwi sa katotohanan kung pagbabasehan ang pahayag nina Sens. Ping at  Tito na balak nilang magkasamang tumakbo bilang Pangulo at Pangalawang Pangulo.

This early rin kasi, hayagan ang pag-ikot ng dalawa sa mga probinsya sa Northern Luzon, kinakausap ang mga gobernador, mayor at iba pang leader na kung baga “testing the waters” ika nga bago ang kanilang final decision.

May kasabihan na ang maagap ay daig ang masipag. Kaya saganang akin, tama ang pagbisi-bisita nina Lacson at Soto sa iba’t ibang lugar dahil sa ganitong paraan, malalaman kung sila ay magiging patok sa taumbayan.

Bukod kay Lacson, ang iba pang napapabalitang tatakbong pangulo ay si Inday Sara, Bongbong Marcos, Manny Pacquaio, Mayor Isko Moreno, Sen. Grace Poe, Vice Presient Leni Robredo at Sonny Trillanes.

Sa nakaraang presidential survey, si Inday Sara ang nakakuha ng pinakamataas na preferential votes, sumunod si Moreno, Pacquiao, Poe at mababa ang nakuhang marka nina Robredo, Lacson at Trillanes.

Pero nauna ka man o naging kulelat sa unang mga survey, hindi ibig sabihin ay iyon na ang magiging resulta ng election. Tandaan na ang election ay mahiwaga, may mga naging kulelat na naging Pangulo ng bansa.

Klasikong halimbawa si Pangulong Duterte na noong una’y pinakahuli sa mga survey subalit unti-unting nakahabol hanggang sa huling araw bago ang election, nakuha niya an number 1 spot at naging Pangulo.

‘Yan ang nakikita nating sitwasyon ngayon ng Lacson – Soto tandem. Ang partnership nila’y hindi gaanong pansin, pero kailangan lang ay tuloy-tuloy ang sinimulan na nilang ‘consultation’ sa taumbayan.

Sa tagal na nila sa serbisyo publiko na walang naging bahid ang mga pangalan sa korapsyon, hindi kagulat-gulat na ang Lacson – Soto tandem ay tatangkilikin pagdating ng  election. Puwedeeee!