Lagay ng food security sa Pinas, paiimbestigahan ni Villanueva

Lagay ng food security sa Pinas, paiimbestigahan ni Villanueva

December 19, 2022 @ 7:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Naghain ng isang panukalang resolusyon si Senate Majority Leader Joel Villanueva na naglalayong paiimbestigahan sa Senado ang kalagayang ng food security sa bansa na ipinangako ng kasalukuyang administrasyon.

Sa pahayag, sinabi ni Villanueva na kailangan mayroong holistic assessment sa lahat ng programa at patakaran ng gobyerno na may kaugnayan sa food security kabilang ang agriculture, fisheries, at nutrition upang matukoy kung ano ang kinakailangang pagbabago sa pagtugon ng bansa.

“A more strategic and comprehensive plan, containing measurable and time-bound objectives, are necessary to further strengthen and expedite the realization of our goal,” aniya.

Sinabi ni Villanueva na nakalipas ang 25 taon simula nang pagtibayin ang Republic Act 8434 o ang Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA) noong 1997, hindi pa natin nakakamit ang pinangangarap na food security.

“Despite efforts made by the government agencies at the forefront of achieving food security in the Philippines, particularly the Department of Agriculture, hunger incidence and the rising food prices in the country are still on alarming levels,” ayon kay Villanueva.

Aniya, pinakamalakas magtulak ng inflation ang patuloy na tumataas na presyo ng pagkain na nakapagtala ng 8% nitong Nobyembre – pinakamataas na naitalang tantos simula noong Nobyembre 2008.

Binanggit din ni Villanueva ang paunang resulta ng Family Income and Expenditures Survey (FIES) na nagpapakita nitong 2021, 18.1% o 19.99 million Filipinos, na mas mababa sa poverty threshold ang kinikita na aabot lamang sa P12, 030 kada buwan sa isang pamilya na may limang miyembro na hindi sapat na makatugon sa pangunahing pagkain at non-food needs.

Binanggit din ng mambabatas sa resolusyon ang Economist Intelligence Unit ng 2022 Global Food Security Index na nagpapakitang nasa ika-67 ang Pilipinas sa overall rank mula sa 113 bansa kung pag-uusapan ang larangan ng food security, tulad ng affordability, availability, quality and safety, at sustainability and adaptation.

“The study also showed that the Philippines performed worst in the area of sustainability and adaptation, ranking 97th out of 113 countries, which was lower than the 64th and 73rd in 2021 and 2020, respectively,” aniya. Ernie Reyes