Lagman sa media visit ng PNP, parang tokhang

Lagman sa media visit ng PNP, parang tokhang

October 17, 2022 @ 4:27 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inihalintulad ni opposition leader at Albay 1st District Rep. Edcel Lagman sa Oplan Tokhang ng nagdaang administrasyon ang hindi inanunsyong pagbisita ng pulis sa bahay ng mga alagad ng media.

Sa isang pahayag nitong Lunes, Oktubre 17, idiniin ni Lagman na ang kailangan ngayon ng mga mamamahayag ay proteksyon at hindi panghihimasok.

Matatandaan umingay ang usapin ng pagbabahay-bahay ng ilang pulis sa mga miyembro ng media upang kamustahin at alamin kung sila ba ay may natatanggap na banta sa kanilang buhay.

Ito ay kaugnay pa rin ng pagpatay sa broadcaster-journalist na si Percy Lapid kamakailan.

“Crusading journalists need police protection from threats and harm, not police intrusion into their privacy,” sinabi ni Lagman.

“The recent unannounced visits of police officers, mostly in plainclothes, to the homes and studios of selected broadcasters is reminiscent of the intrusive and illicit ‘operation tokhang’ on drug suspects,” dagdag niya.

Sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ni dating Philippine National Police chief Ronald dela Rosa, ang tokhang na nagmula sa dalawang salitang Bisaya na “toktok” at “hangyo” ay tumutukoy sa pagbabahay-bahay ng mga pulis sa bahay ng suspected drug dealers upang kamustahin na kalaunan ay nauwi sa war on drugs na nagresulta sa pagkasawi ng ilang mga indibidwal na sangkot sa droga.

Mahigpit itong tinutulan ng oposisyon kabilang na si dating bise presidente Leni Robredo. RNT/JGC