Ang lagnat o “fever” ay isang karaniwang sakit lalo na ngayong tag-ulan. Pero isa rin ito sa mga sakit na may iba’t ibang pwedeng pagmulan at hindi rin dapat balewalain.
Ano ba ang lagnat?
Ang lagnat ay sintomas lamang ng sakit na dumapo sa katawan. Tuwing may impeksyon, sakit o iba pang sanhi, nagiging aktibo ang ating hypothalamus at tinataasan nito ang temperature ng ating katawan para magbigay ng signal na mayroong mali.
Ang hypothalamus ay isang parte ng utak na may direct control sa temperature ng ating katawan.
Bagamat ang lagnat ay normal na proseso ng ating katawan para depensahan ito mula sa impeksyon dulot ng mikrobyo, maaaring rin na ito ay dulot ng tonsillitis, sipon at iba pang mga sakit.
Mga sintomas
- Temperature na higit sa 37.8°C
- Mabigat na pakiramdam
- Pagsakit ng kasukasuan o joints
- Pagsakit ng ulo
- Pagsusuka
- Pagkahilo
- Pagkawalan ng gana sa pagkain
Mga sanhi ng lagnat
- Trangkaso o “flu”
- Sipon o “common colds”
- Impekson sa taenga
- Impekson sa lalamunan o “tonsillitis”
- Sakit sa bato o UTI
- Pulmonya o “pneumonia”
- Sakit sa tiyan o “gastroenteritis”
- Bulutong tubig o “chicken pox”
- Tigdas o “measles”
- Sobrang pagkahapo o “fatigue”
- Pagbakuna o “vaccination shots”
Mga dapat gawin kapag may lagnat
- Uminom ng Paracetamol
Ang Paracetamol ay isang mainam na gamot para mapababa ang temperature at mabawasan ang pananakit ng katawan.
- Paglagay ng cold-compress sa noo
Ang paglagay ng malamig na tuwalya sa noo ay isang mainam na paraan para mapababa ang temperature ng karawan
- Pag-inom ng maraming tubig
Dahil sa mataas na temperatura, nauubos o natutuyo ang fluids sa katawan, kaya dapat parating uminom ng tubig para maiwasan ang dehydration.
- Pagligo gamit ng sponge bath
Para mapanatiling malinis at presko, pwedeng maligo o magpunas gamit ng tuwalya o sponge na binasa gamit ng maligamgam na tubig.
- Magsuot ng preskong damit
Siguraduhin na presko ang suot para komportable at hindi madalas pagpawisan.
- Regular na pagpapalit ng damit
Kapag pinagpawisan, agad na mag-sponge bath at magpalit ng panibagong damit para maiwasang lumala ang lagnat nito.
Mga dapat iwasan kung may lagnat
- Pag-inom ng iba’t ibang gamot
Maliban sa Paracetamol, iwasang uminom ng iba pang gamot lalong-lalo na kung hindi naman nireseta ng doktor.
- Iwasang maligo ng malamig na tubig o pagpunas ng alcohol
Maaaring lumala ang lagnat kung maliligo ng malamig na tubig o magpupunas ng alcohol. Gumamit lamang ng maligamgam o ‘lukewarm’ na tubig sa pagpunas o pagligo.
- Iwasan na balutin sa makapal na kumot ang maysakit
Importante na mapanatiling presko at kumportable ang pakiramdam para hindi tumaas pa ang temperatura.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor?
Ang lagnat ay kusang gumagaling, pero maaari din na ito ay sanhi ng isang malubhang sakit, kung kaya’t may mga pagkakataon na kakailanganin nang lumapit sa isang doktor. Ang mga sumusunod ay mga sintomas o senyales na kinakailangan nang ikonsulta ang lagnat sa doktor:
- Lagnat na pabalik-balik
- Temperature na higit sa 39°C
- Pagkaranas ng kumbolsyon
- Pagkaranas ng sobrang pagdumi
- Pagkaranas ng matinding pananakit ng ulo
- Pagkaranas ng matinding pananakit ng katawan
May mga mararamdaman tayong mga pangkaraniwang sakit na hindi rin dapat balewalain. Ugaliin ang pag-inom ng vitamins o pagkain ng mga masusustansiyang pagkain para lumakas ang resistensiya laban sa mga ganitong sakit.