Lagpas 100 kaso pauulanin ng PAO sa Dengvaxia issue

Lagpas 100 kaso pauulanin ng PAO sa Dengvaxia issue

July 12, 2021 @ 6:18 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang maghain ng mas maraming criminal complaints at civil cases kaugnay ng kontrobersyal na Dengvaxia vaccination program.

Sabi ni PAO forensics chief Erwin Erfe, pitong criminal complaints ang ihahain sa Department of Justice (DOJ) habang 101 civil cases ang isasampa sa mga korte.

Kinasuhan na ng DOJ si dating Health chief at ngayon ay Iloilo Representative Janette Garin at ilan pang health officials dahil sa pagkamatay ng mga bata na iniuugnay sa naturang dengue vaccine.

Ayon kay Erfe, nakatakda na ang arraignment para kay Garin at mga kapwa akusado nito sa Quezon City court.

Hanggang noong December 11, 2020, nasa 157 criminal complaints na ang naisampa ng PAO kaugnay ng pagkamatay ng 155 mga bata at dalawang “surviving victims.”

November 2017 nang ianunsyo ng Sanofi Pasteur na ang produkto nito ay maaaring magdulot ng “severe” dengue symptoms sa mga pasyenteng hindi pa nagkakaroon ng dengue bago nabakunahan.

Kasunod nito ay sinuspinde ang dengue immunization program ng gobyerno na noo’y nakapagbakuna na ng mahigit 800,000 bata.

Sinisi naman si PAO chief Persida Acosta dahil sa umano’y paghahasik ng takot sa bakuna na nakapagpababa ng kumpiyansa ng publiko sa bakuna. RNT