LAHAT DISMAYADO 

LAHAT DISMAYADO 

January 13, 2023 @ 9:33 AM 2 weeks ago


HINDI na yata dapat tawagin ang Pilipinas bilang isang “agricultural country”.  Oo nga na medyo marami pa ring Pilipino ang mga magsasaka at mangingisda at malaking bahagi ng lupain natin ay sinasaka pa rin.  Pero sa totoo lang, ang mga pangyayari nitong mga nakaraang buwan ay nakaiinis at kahiya-hiya kapag usapin na ng pagkain ang pag-uusapan.

Noong bago mag-eleksyon 2022, ang presyo ng karneng baboy ang sobrang taas dahil sa African Swine Fever.  Libong baboy ang kinatay dahil sa sakit na ito.   Halos ganoon din ang naging sitwasyon ng mga magmamanok o ang poultry industry nang sumalakay naman ang bird flu.

Naalala ko pa ang isyu nang sumirit naman ang presyo ng asukal at napilitang pwersahan na magbenta ang ilang malalaking grocery stores ng P 70.00 bawat kilo ng asukal na hanggang ngyaon ay dalawang kilo lang ang pwedeng bilhin ng bawat mamimili.   Eh yung krisis sa bigas, nakalimutan n’yo na ba? Kung hindi pa umangkat ng bigas sa Thailand at Vietnam, napakamahal na ng presyo nito, kasi wala ka na ring makitang NFA rice na P27.00 ang  bawat kilo. Maging sa supply ng isda ay nagkahigpitan din kaya lomobo ang  mga presyo niyo sa palengke. 

Pero ang pinaka-nakaiiyak talaga itong kalokohan ng krisis sa sibuyas.  Ni minsan di sumagi sa panaginip ko na aabot hanggang P700  ang kilo ng sibuyas! Noong isang linggo, apat na piraso ng malaking pulang sibuyas, lampas kalahating kilo, kaya P400.00 ang halaga.   Grabe! Isandaang piso ang isang sibuyas?

Ang naging regular na sagot ng DA, mag-angkat pa tayo ng produktong agricultural o importation.  Import ng bigas, karneng baboy, asukal, manok, isda at nito lang, lampas 22,000 tonelada ng sibuyas naman ang inaprubahang angkatin.

Paano pa tayo tatawaging “agricultural country” kung importation lagi ang tugon natin sa kakulangan sa pagkain?

Dapat yata, bitawan na ni Pres. Bongbong Marcos, Jr. ang pagiging OIC ng Dept. of Agriculture.  Kailangan na natin ng isang kalihim ng kagawaran na tutukan ang sunod-sunod at patong-patong na problema sa pagkain.   

Bukod sa pag-monitor ng produksyon, kailangan solusyunan ng isang full-time na DA Secretary ang mga kakulangan sa imprastraktura, ang ayuda sa mga magsasaka at ang pagpapadali ng kalakalan ng pagkain hanggang makarating ang mura at masustansyang pagkain sa mga palengke at sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino.

Hindi na dapat tumagal pa ang pagkadismaya ng mga magsasaka at ng mga konsyumer dahil sa sobrang mahal na pagkain natin.