LAHAT NA LANG NEGOSYO SA BILIBID

LAHAT NA LANG NEGOSYO SA BILIBID

January 31, 2023 @ 2:32 AM 2 months ago


HINDI ba’t itinaas na ang sahod ng mga unipormadong kawani ng pamahalaan? Mula sundalo, kapulisan at maging mga bumbero at jail guards? Bakit maugong ngayon ang bagong raket sa New Bilibid Prisons?

Umusok ito nang ipahayag noong nakaraang linggo ni Bureau of Corrections officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. na may mahigit P300,000 cash silang nadiskubre mula mismo sa mga bantay ng NBP.

Sabi ni Catapang, ang pera ay mga patago raw ng mga bilanggo sa kanilang mga tagabantay. May kakaiba na palang banko sa loob ng bilibid?

Nadiskubre ni Catapang na ang mga patagong pera ng mga bilanggo ay kadalasang galing sa mga kamag-anak ng mga ito na ipinadadala sa pamamagitan ng electronic wallet gaya ng g-cash, pay-maya at iba pa.

Ang masaklap dito, may binabawas na “charges” ang mga bantay na tumatanggap ng padalang pera para sa mga bilanggo. Bilang kabayaran, ibinabawas ng mga tagabantay ng mga preso ang sampu hanggang dose porsiyento na halaga ng padala, at kung minsan ay 20 percent pa nga ang kaltas.

Kaya sa ipinadalang P1,000 halimbawa ay may kaltas na P100 o kaya’y P200. Ilagay natin sa nakumpiskang P300,000, ang 10 percent nito ay P30K at kung 20% ang kaltas, ito ay P60K.

Ibig sabihin ay pinagkakakitaan ito ng mga bantay ng BuCor. Ayaw ni Catapang nito dahil agrabiyado rito ang kanyang mga preso.

Anoman ang paggagamitan ng mga perang padala para sa mga preso, para kay Catapang, ay ‘di dapat sinasamantala ito ng kanyang mga taga-bantay sa mga preso sapagkat tumatanggap naman ang mga ito ng sahod.

Iba talaga diyan sa bilibid. Lahat ay nagagawang pagkakitaan. Magagaling palang mga negosyante itong correction officers.

Noon pa natin naibulgar ang mga iligal na negosyo diyan sa NBP. Mula sa P500-P1,000 na ‘lagay-sa- bantay’, ang isang bilanggo ay maaari nang magkaroon ng ordinaryong cellfone o kaya naman ay telebisyon.

Ang pagpa-process ng ‘release paper’ ay may katumbas na P50,000. Bukod pa yan, sa kagustuhang magpasok ng babae ang isang preso. Iba rin ang presyo kung gustong magpatakbo ng sugalan sa loob.

Ang alak, sigarilyo at droga ay kaya rin, mabilis sa halagang P1,000. Kaya naman hayahay ang buhay ng karamihang correction officials at officers. Iba’t ibang hanapbuhay ang meron pa kayo!

                                                                                  oOo   oOo   oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!