Lahat ng barangay sa Pasay may kaso na ng COVID

Lahat ng barangay sa Pasay may kaso na ng COVID

January 12, 2022 @ 6:41 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Inihayag ng Pasay City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na kontaminado na coronavirus disease o COID-19 ang lahat ng 201 barangay sa lungsod.

Sinabi ng CESU na kanilang dinodoble ngayon ang pagsasagawa ng contact tracing ng mga indibidwal na maaaring nahawahan ng COVID-19.

Sa COVID-19 update ng City Health Office (CHO) ng Enero 10 na nagmula sa Pasay City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CEDSU) ay nakapagtala ng ang lungsod ng 2,404 aktibong kaso kabilang na dito ang 338 na bagong kaso sa kabuuang 24,728 kumpirmadong kaso ng COVID-19.

 

Umabot naman sa 21,765 pasyente ang mga nakarecover sa COVID-19 kabilang na ang 80 bagong nakarecover o may katumbas na 88.02 porsiyentong recovery rate.

Sa kabuuang 201 barangay sa lungsod na nakapagtala ng may mga aktibong kaso ng COVID-19 ay mayroon naming 64 na barangay ang kasalukuyang nakapailalim sa granular lockdown o local enhanced community quarantine (LECQ).

Base sa report ni CESU head Miko Llorca kay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, sa 64 barangay na nakapailalm sa granular lockdown ay 829 kabahayan na nasasakupan nito ang isinailalim sa LECQ.

Sinabi ni Llorca na nakikiusap sa mga residente ang lokal na pamahalaan ng buong kooperasyon upang mapigilan ang pag-akyat pa ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Sa tulong ng lokal na kapulisan at ng mga opisyales ng barangays ay patuloy ang pagmo-monitor sa mga kilos ng mga indibidwal sa komunidad na nakapailalim sa LECQ.

Kasabay nito ay inatasan naman ni Calixto-Rubiano si city police chief P/Col. Cesar Paday-os na mahigpit na ipatupad ang implementasyon ng pagbabawal sa paglabas ng mga di pa bakunadong indibidwal sa kanilang mga bahay.

 

Samantala, ang 10 barangay na may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa lungsod ay pinangunahan ng Barangay 183 na nakapagtala ng matasas na bilang na 322 aktibong kaso na sinundan ng Barangay 201 na mayroon namang 163 kaso; Barangay 113, 78 kaso; Barangay 184, 63 kaso; Barangay 76, 42 kaso; mga barangay ng 14 at 185 na nakapagtala ng tig-41 kaso; Barangay 44, 34 kaso; Barangay 192, 31 at ng Barangay 194 na mayroong 26 akitbong kaso ng virus. James I. Catapusan