Lahat ng cold storage facilities ipinarerehistro ng DA vs smuggling

Lahat ng cold storage facilities ipinarerehistro ng DA vs smuggling

December 11, 2022 @ 2:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Linggo, Disyembre 11 na napapanahon na para iparehistro ang lahat ng cold storage facilities upang matugunan ang problema sa mga smuggled na agricultural products.

Sa panayam ng DZBB, sinabi ni DA deputy spokesperson Rex Estoperez na mayroon na umanong sistema ang ilang trader kung saan itinatago nila ang mga produktong agrikultural tuwing anihan at itatago sa cold storage facilities upang ilabas kapag nagtaasan na ang presyo ng mga ito.

“I think it’s high time. May mga imperfections din tayo sa ating mga system, but it’s high time also na lahat ng cold storage siguro ipa-rehistro na natin,” ani Estoperez.

Nauna nang sinabi nitong Sabado ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na dapat mas maging istrikto ang DA at Bureau of Customs (BOC) sa pagmonitor sa presyo ng mga imported agricultural products sa bansa.

Matatandaan na kamakailan ay nasabat ng mga awtoridad ang P3.9 milyon na hinihinalang ismagel na puting sibuyas sa Divisoria, Maynila.

“P15 to P20 ang onion kapag tag-ani. Magkano ang cost of production niyan, P35. Kinukuha ng mga traders, ilalagay ang pulang sibuyas sa kanilang warehouse. Tapos ‘pag tinignan mo ang kanilang mga bodega, wala. Ano ‘yan, parang paru-paro? Lilipat lipat,” sinabi pa ni Estoperez.

“Ito ngang smuggled, lilipat lipat kapag nahuli natin. Doon sila napupunta sa hindi maayos na cold storage kaya nabubulok kasi hindi hygienic,” dagdag niya. RNT/JGC