Lahat ng distressed OFWs sa Kuwait mapauuwi na ngayong buwan – DMW

Lahat ng distressed OFWs sa Kuwait mapauuwi na ngayong buwan – DMW

January 22, 2023 @ 9:44 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inaasahang mapauuwi na sa bansa ang lahat ng distressed overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait sa pagtatapos ng Enero, sinabi ni Department of Migrant Workers Undersecretary Hans Cacdac nitong Sabado, Enero 21.

“For the rest of next week, maibaba na sa 120 ang distressed OFWs sa Kuwait until makauwi na silang lahat by the end of this month,” pahayag ni Cacdac sa panayam ng DZBB.

Hanggang nitong Enero 17, 142 sa 421 distressed Kuwait OFWs na ang napauwi ng DMW.

Ani Cacdac, inaasahan na darating sa bansa sa Martes, Enero 24 ang panibagong batch ng 120 OFWs.

“Bagama’t wala tayong nakitang distressed OFWs na nasa shelter na nabiktima ng malubhang physical abuse ng kanilang mga employer, nakikita pa rin ang abuses in terms sa paglabag sa kontrata,” pagbabahagi ng opisyal.

Maliban dito, nag-alok na rin ang DMW ng reintegration program para sa mga returning ODWs at magbibigay ng maaaring maging negosyo ng mga ito pag-uwi sa Pilipinas.

Samantala, siniguro naman ng DMW na nakatutok ito sa pagsagip at pagpapauwi sa mga Pinoy na nabiktima naman ng human trafficking sa Cambodia at Myanmar.

“Lahat sila ay biktima ng cryptocurrency activities, sila ang ine-employ para gumawa ng scam,” ani Cacdac. RNT/JGC