“Lahi, Hayop”: Lav Diaz sasabak sa 2020 Venice International Film Festival

“Lahi, Hayop”: Lav Diaz sasabak sa 2020 Venice International Film Festival

July 31, 2020 @ 9:22 AM 7 days ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Muling makikipaglaban ang matinik na Filipinong direktor na si Lav Diaz sa prestihiyoso at de kalidad na Venice International Film Festival sa ika-77 taon nito.

Kasali si Lav sa Orizzonti Concorso o Horizons Competition ng Venice, hiwalay sa Main Competition bagamat matindi ring tunggalian ang magaganap sa seksyon na ito.

Labingsiyam na pelikula mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang makakalaban ni Diaz para sa kanyang obrang “Lahi, Hayop (Genus, Pan),” isang bagung-bagong pelikula na isinumite ni Lav nang wala pang pandemya ng COVID-19.

Pero kahit na sinalanta ng bagong coronavirus ang Italy, walang patumanggang itinuloy pa rin ng pamunuan ng La Biennale de Venezia at magaganap ang kauna-unahang pisikal na selebrasyon sa isang pandaidigang pestibal sa panahon ng pandemya.

Ang “Lahi, Hayop (Genus, Pan)” ay pinagbibidahan nina Hazel Orencio, Joel Saracho, Bart Guingona, DMs Boogaling, Noel Sto. Domingo at Fernando Josef, mas kilala sa tawag na Nanding Josef.

Sinabi ni Joel na saludo talaga siya kay Diaz.

“He’s a genius,” pahayag ng aktibistang si Joel. Bagamat nakasama na si Saracho sa mga pelikula ni Lav (“Hele sa Hiwagang Hapis (Lullaby to the Sorrowful Mystery) noong 2016 at nakipagbuno sa ika-66 na Berlin International Film Festival; “Ang Panahon ng Halimaw (Season of the Devil)” na nakipagtunggali sa main competition ng 2018 Berlinale at “Ang Hupa (The Halt)” na ipinalabas naman sa Directors Fortnight ng 2019 Cannes International Film Festival) at nakapunta na sa Berlin at Cannes, ang pagtungo sa Venice ay inasam din niya. Gayunman, may pandemya ngayon kaya hindi muna nangangahas na mangibang-bansa si Joel bagamat inaasahan niya ang tagumpay ng “Lahi, Hayop” sa Italy.

Tatakbo ng dalawang oras at tatlumpung minuto ang pinakahuling obra ni Lav.

Ang Orizzonti ay magbibigay ng mga sumusunod na premyo: Orizzonti Award para sa Best Film, Orizzonti Award para sa Best Director, Special Orizzonti Jury Prize, Orizzonti Award para sa Best Actor at Best Actress, Orizzonti Award para sa Pinakamahusay na Dulang Pampelikula at may Orizzonti Award para sa Best Short Film.

Ngayong taong ito, ang mamumuno ng Lupon ng Inampalan sa Orizzonti Award ay ang pamosong aktres, direktor at manunulat na Pranses na si Claire Denis.

Si Claire ay ipinanganak sa Paris bagamat lumaki siya sa Africa hanggang 13-anyos.

Nagtapos siya noong 1972 sa IDHEC at nagtrabaho bilang assistant sa mga premyado at magagaling na direktor na sina Jacques Rivette, Costa-Gavras, Jim Jarmusch at Wim Wenders. Ang kanyang kauna-unahang pelikulang “Chocolat” noong 1988 ay pinuri ng mga kritiko sa husay ng kanyang paglalahad ng paksang kolonyalismo. Nasundan ito ng “No Fear No Die) noong 1990; Boni (Nenette et Boni) noong 1996; “Beau Travel” noong 1999 kung saan ipinalabas ito sa Venice; Trouble Everyday noong 2001 at Friday Night noong 2002. Ang kanyang “White Material” na gawa noong 2009 ay nakipagtunggali sa Venice noong 2009. Samantala, nagwagi naman ang kanyang “High Life” sa San Sebastian Film Festival noong 2018.

Ang 2020 Venice ay magsisimula sa ika-2 hanggang ika-12 ng Setyembre. Boy Villasanta

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *


Loading...