LAKAD LABAN PARA SA DAM

LAKAD LABAN PARA SA DAM

February 24, 2023 @ 1:01 PM 4 weeks ago


ILANG araw nang naglalakad ang mga katutubong Dumagat mula Gen. Nakar, Quezon papuntang Malacanang para ipahayag ang kanilang labis na pagtutol sa Kaliwa Dam. Habang nababasa n’yo ang artikulong ito, nakarating na sila sa Maynila, pagkatapos silang salubungin ng mga estudyante, guro at mga taga-suporta sa Ateneo de Manila sa Quezon City at ibang sector na may malakit sa kalikasan at sa mga katutubo.

Tiniis nila ang init, ulan, lamig, gutom, uhaw at pagod maiparating lamang kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanilang sentimyento. Hinding-hindi umano nila mapapayagang wasakin ng Kaliwa Dam project ang lupain ng kanilang ninuno at kanilang mga sakahan.

Ang bulubundukin ng Sierra Madre na nagsilbing kaharian ng mga Dumagat mula pa sa kanilang kanunununuan.
Nakasalalay rito ang kanilang buhay, kabuhayan, kultura at tradisyon at maging ang kanilang kinabukasan mismo ay naka-ugat sa Sierra Madre.

Hindi naman daw nila pinagdadamot ang tubig na pwedeng makuha ng mga taga-Maynila kapag nagawa na ang dam.

Baka lang naman daw may ibang paraan pa para maiwasang masira ang lupain nila.

Pero lalong mabigat sa kanilang damdamin ang alok na pera bilang kabayaran umano ng Metro Manila Waterworks and Sewerage System sa lupaing ninuno na sisirain ng proyekto.

Panawagan ng mga Dumagat sa National Commission on Indigenous People na ipakita naman sa kanila na may kakampi sila. Iparamdam naman daw na sila’y totoong komisyon na kumakalinga sa mga karapatan ng mga kapwa nila katutubo.

Reklamo pa nga ng mga nagma-martsa, hindi naman daw makatotohanan ang mga konsultasyon na ginawa ng NCIP para kunin ang kanilang naunang malayang pagpayag o ang free, prior and informed consent o FPIC.

Kaya naman tuloy ang alay-lakad, tuloy ang protesta. Sana nga ay pansinin at pakinggan sila ng Malacañang.

Bahagi pa rin naman sila ng bansang Pilipinas at sila’y mga katulad natin na mga Piilipino.