Lakas sa pagkakaisa at serbisyo, naging marka ng ika-35 anibersaryo ng DENR

Lakas sa pagkakaisa at serbisyo, naging marka ng ika-35 anibersaryo ng DENR

June 16, 2022 @ 9:33 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kalakasan sa pagkakaisa at serbisyo, ang tema ng pagdiriwang ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ika-35 anibersaryo nito noong Hunyo 10 kasama ang 33,000 kawani sa pamamagitan ng Zoom at Facebook para buong araw ng kasiyahan, cultural shows, pagpapahayag ng pasasalamat at paligsahan.

Kaugnay nito pinasinayanan ni DENR Acting Secretary Jim O. Sampulna ang kaganapan na may temang “Pistang Pamilyang DENR, Para Tuloy-Tuloy na Pagkakaisa at Tagumpay” sa mensahe ng pasasalamat kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte at sa mga kawani ng ahensya.

“The President’s trust in DENR was not put to waste because we delivered,” ayon kay na kinilala ang tagumpay ng DENR sa rehabilitasyon ng Boracay at Manila Bay sa “confidence he has bestowed not only on me but the entire DENR in the past six years.”

“You have been a part of every single accomplishment we achieved,” saad ni Sampulna na binigyang diin ang pagpapahalaga sa kasipagan at dedikasyon ng bawa’t empleyado sa ilalim ng kanyang termino.

Sa press release kinilala ni Sampulna kung paanong nanatiling magkakasama at matatag ang DENR workforce sa gitna ng “difficulties and dangers, especially at the height of the COVID-19 pandemic.”

Nagkaroon din ng sabay-sabay na pagdiriwang sa DENR field offices kabilang na ang isang linggong pagdadaos ng “Palarong Pinoy” (June 13-17) kung saan nilaro ang mga tradisyonal na laro tulad ng Bato-bato Pik, Bunong Braso, Hampas Palayok, Kadang-Kadang, Luksong Lubid, Palo Sebo, Patintero, Piko, Sipa, Sungka Tumbang Preso at Pabitin.

Ibinalik din ni Sampulna ang [email protected] na maglalapit ng serbisyo ng ibang ahensya ng gobyerno sa mga empleyado ng DENR at sa kanilang mga pamilya. Kabilang sa mga imbitado ang Philippine Statistics Authority, Land Transportation Office, National Bureau of Investigation  at PAG-IBIG.

Si Sampulna ay isa sa apat na DENR secretaries “to have risen from the ranks” na nagsimula bilang tree marker sa dating Bureau of Forest Development nuong 1977.

Bilang pagkonsidera nito na isa siya sa “pioneers” ng DENR, sinabi ni Sampulna na kung ang titimon sa DENR ay manggagaling sa loob, malaki ang magiging tulong nito sa kakayanan ng national leadership na isulong ang environmental agenda dahil sa mas maraming “institutional knowledge” at “executive expertise” na naipon nito sa loob ng ilang taon o maging sa dekadang pagtatrabaho.

Simula ng pagbuo ng ahensya nuong 1987 sa ilalim ng Executive Order (EO) 192, ang DENR ay pinamunuan ng 17 kalihim kung saan apat ay nagsimula sa mababang posisyon kabilang sina Ramon Paje (Hulyo 1, 2010-Hulyo 1, 2016), Horacio Ramos (Pebrero 12, 2010-Hunyo 30, 2010), at Ricardo Umali (Hulyo 1-Setyembre 7, 1992).

Ang EO 192 o Reorganization Act of the DENR ay pinirmahan ni dating pangulong Presidente Corazon C. Aquino nuong Hunyo 10, 1987 at binuo ang Department of Environment and Natural Resources.  Santi Celario