‘Lakbay Alalay’ program ng DPWH, muling binuhay sa Undas

‘Lakbay Alalay’ program ng DPWH, muling binuhay sa Undas

October 26, 2022 @ 7:21 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Muling magpapakalat ng mga tauhan ang lahat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Regional and District Engineering Offices na tutulong sa mga motorista sa papalapit na long weekend para sa paggunita ng Undas.

Ayon kay DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, ang motorist assistance program ng ahensya na tinaguriang “Lakbay Alalay” ay isinaaktibo at operational na muli sa kahabaan ng strategic locations sa buong bansa simula alas-7 ng umaga ng Oktubre 28 hanggang alas-12 ng tanghali sa Nobyembre 2.

Ang DPWH “Lakbay Alalay” Teams ay binubuo ng uniformed field at crew personnel na may maintenance equipment na nakaabang at navy blue-colored tents sa mga tukoy na istasyon.

“Our teams will be working on a round-the-clock shift to provide emergency assistance to travelers and ensure major thoroughfares are well-maintained, and free from obstruction and potholes,” sabi ni Bonoan.

Ipinag-utos din niya ang pagpapatupad ng mga tanggapan na may mga kasalukuyang proyekto upang matiyak na ang mga wastong safety signage at traffic advisories ay ipapaskil ng mga kontratista upang maiwasan ang pagbagal ng trapiko sa kahabaan ng pangunahing kalsada at ruta patungo sa mga sementeryo.

Higit pa rito, mahigpit na nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno tulad ng Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP), at Local Government Units (LGUs) para sa anumang kinakailangang tulong. Jocelyn Tabangcura-Domenden