Lalaki arestado sa granada, baril sa Caloocan

Lalaki arestado sa granada, baril sa Caloocan

June 13, 2022 @ 7:45 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Shoot sa loob ng rehas na bakal ang isang lalaki matapos makuhanan ng baril at granada sa isinagawang search warrant operation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng tanghali.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., ang naarestong suspek bilang si Salmero Cartago, 43, ng Barangay. 73, Abbey Road 3, Samson Road, ng lungsod.

Ayon kay Col. Mina, dakong alas-12 ng Linggo ng tanghali nang magsagawa ang tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 3 sa pangunguna ni P/Major Felipe Fermin Jr, ng search warrant operation sa PNR Compound, Brgy. 73, Abbey Road 3, Samson Road ng lungsod.

Naaresto sa operasyon si Cartago at narekober sa kanya ang isang homemade Cal. 380 pistol na may apat na bala at isang granada.

Binigyan naman pugay at papuri ni Northern Police District (NPD) Director PBGEN Ulysses Cruz ang Caloocan police sa ilalim ng pamumuno ni Col. Mina sa matagumpay na pagkakaaresto kay Cartago.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 28 ng RA 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunitions) at Paglabag sa Section 3 ng RA. 9516 (Unlawful Possession of Explosive). R.A Marquez