Lalaki arestado sa panggagahasa ng 2 babae

Lalaki arestado sa panggagahasa ng 2 babae

January 5, 2022 @ 5:04 PM 8 months ago


MANILA, Philippines- Arestado ang isang lalaki nang ireklamo ng panggagahasa at pananamantala sa dalawang biktimang babae  sa Maynila kahapon.

Bukod sa panggagahasa ay nagpapakalat din umano ng sex video ang suspek na si  John Cedric Valdez, nasa hustong gulang.

Sa impormasyon ng MPD, nakilala ng isa sa biktimang si “Jade” ang suspek sa Facebook at nangako itong ipakikilala siya sa isang dayuhan na magbibigay ng malaking halaga.

Sa isang hindi binanggit na hotel dinala ng suspek ang biktima sa isang kuwarto para umano doon hintayin ang isang Chinese national.

Pero bigla siyang ginahasa at kinunan pa ng malalaswang larawan at video.

Matapos pagsamantalahan ay kinuha pa ng suspek ang cellphone ng biktima saka iniwan sa hotel.

Pagdating sa bahay, nagulat na lamang ang biktima nang ma-hack na ang kanyang Facebook.

Nakiusap ang biktima na alisin ang nasabing mga malalaswang larawan sa social media kapalit ng hinihinging halaga ngunit kumalat pa rin ito social media.

Ayon sa biktima, kumapit lamang ito sa patalim dahil nawalan siya ng trabaho bilang saleslady  dahil sa pandemic.

Samantala, isa pang babae ang nabiktima rin ng suspek ng panggagahasa  na kapareho din ng istilo kung saan may ipapakilala ring Chinese national.

Ayon kay “Judy” mayooon itong pinag-aaral na anak at mag-isa lamang siyang nagtataguyod  kaya nagawa rin niyang kumapit sa patalim matapos mawalan din ng pagkakitaan nitong pandemya.

Ang suspek ay nakatakdang isalang sa Inquest Proceedings sa kasong rape at Extortion sa Manila Prosecutors Office. Jocelyn Tabangcura-Domenden