Lalaki binaril saka sinunog sa loob ng sasakyan

Lalaki binaril saka sinunog sa loob ng sasakyan

November 21, 2022 @ 12:34 PM 2 weeks ago


CAPIZ- Naging uling ang isang lalaki matapos matusta sa loob ng kanyang sasakyan makaraang barilin at sunugin ng hindi pa kilalang suspek, iniulat kaninang umaga sa Roxas City.

Sa paunang report ng Roxas City Police Station, natagpuan ang Mitsubishi Pajero na may plate number XAM 778, na nasusunog at natusta na rin ang katawan ng isang lalaki na hindi tinukoy ang tunay na pagkakakilanlan sa bahagi ng Mabini at Mejorada Sts, Barangay Inzo Arnaldo Village, Roxas City.

Kuwento ni Brgy. Kagawad Ervin Sicad, nakarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril sa nasabing lugar kaya dali-dali niya itong tinungo para alamin at dito na niya nasaksihan na nagliliyab ang sasakyan habang nasa loob ang biktima.

Agad naman siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad hinggil sa pangyayari.

Sa pagresponde ng pulisya, naabutan na nilang sunog na sunog ang mukha at katawan ng biktima.

Nagsagawa naman ng pagsisiyasat ang pulisya at lumabas na ang sasakyan ay pag-aari ng pamilya Fria na nabili noong nakaraan taon kay Barangay Kagawad Rene Barrios.

Kinumpirma ng kaanak na walang ibang nagmamaneho ng sasakyan kundi si John Arana Fria, 27-anyos, binata, taga Brgy. Pinamalatican, Sigma, Capiz, at pansamantalang naninirahan sa San Roque St, Roxas City.

Nabatid na ang tiyuhin ni John na si Fria ang nakabili ng sasakyan na kasalukuyan nasa bansang Sweden.

Sa ngayon hinihintay na lamang ang resulta ng gagawin post mortem examination sa bangkay ng biktima para matukoy ang tunay nitong pagkakakilanlan.

Inaalam na rin ng mga awtoridad motibo sa krimen. Mary Anne Sapico