Lalaki, bumisita sa sariling burol

Lalaki, bumisita sa sariling burol

June 22, 2018 @ 11:20 AM 4 years ago


Ginulat ng isang lalaki ang kaniyang nagdadalamhating pamilya at mga kaibigan matapos siyang bumisita sa sarili niyang burol sa Paraguay.

Si Juan Ramón Alfonso Penayo, 20 years old, ay nakatira sa isang village sa Santa Teresa, Paraguay malapit sa border ng Brazil.

Ang kuwento ng kaniyang pamilya, si Juan ay huling nakitang umalis ng bahay noong nakaraang linggo, ng hindi nagsasabi kung saan siya pupunta.

Dahil walang nakakaalam kung saan siya pumunta at wala man lang natanggap na paramdam mula sa kaniya, ni-report na ito ng kaniyang pamilya sa mga pulis. Sakto naman pagtapos nila mag-report, may natagpuan namang sunog na bangkay sa lugar nila kaya ipinatawag sila agad para kilalanin kung ito ba ang kanilang anak.

Ang 700 kilometer land border sa pagitan ng Paraguay at Brazil kasi ang kadalasang pinagtataguan ng mga drug-trafficking gangs kaya naman ng mabalitaan ito ng kaniyang mga magulang, natakot silang baka ito ang kanilang anak.

Bumyahe sila papunta sa kalapit na siyudad para tignan ang bangkay. Kahit na ito ay hindi na lubos na makilala, inakala pa rin nilang ito ang anak na si Juan.

Iniuwi nila ang bangkay sa kanilang bahay at pinaghandaan ang burol nito kung saan pinuntahan naman ito ng ilang mga lokal para makiramay. Matapos ang tatlong araw, bumalik si Juan sa kanilang bahay na parang walang nangyari.

Natagpuan niya ang kaniyang mga mahal sa buhay na pinaglalamayan ang maling bangkay. Reunion ngang maituturing ang ganitong pagkakataon.

Sinabi ni Police officer Carlos Ayala na ang nasunog na bangkay ay ibinalik na sa morge at hindi pa kinikilala ng kahit sino.

At tungkol naman kay Juan, hindi pa rin niya sinasabi kung saan siya pumunta ng tatlong araw at kung bakit hindi siya nagpaparamdam. Puwedeng nagbakasyon lang siya o di kaya’y nag-isip-isip lang, kung ano pa man ang dahilan niya, masaya ang kaniyang pamilya at nakabalik siya ng buhay. (Remate News Team)