Lalaki huli sa P100K halaga ng grocery, lutuan na ninakaw sa QC

Lalaki huli sa P100K halaga ng grocery, lutuan na ninakaw sa QC

November 20, 2022 @ 12:48 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang 29-anyos na lalaki makaraang di-umano ay magnakaw ng mga grocery items at lutuan sa isang resto-bar sa Quezon City.

Ayon kay Lt. Col Jerry Castillo, station commander ng Novaliches Police Station – 4, ang suspek ay kinilalang si Ralph Alfred Flores Cruz, 29, ng Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.

Nakatakas naman ang itinuturong kasabwat nito na si Raquel Seminiano Banayad, ng Brgy. Apolonio Samson, Quezon City.

Nangyari ang insidente alas-3 ng hapon nitong Biyernes, Nobyembre 18 sa Nomo Resto Bar sa Marianito St. Brgy. Gulod, Novaliches nang mapansin ng waiter ng resto-bar na nakabukas ang pinto ng kanilang establisyimento.

Nang lapitan nito ang pintuan ay doon na niya naaktuhan ang dalawang indibidwal na nililimas ang pera ng naturang establisyimento, kasama na ang sari-saring inumin, mga pagkain, appliances, lutuan at mga kutsara.

Isinasakay ng mga suspek sa isang pampasaherong jeep ang mga gamit at nang komprontahin ng waiter ay doon na agad na sumakay ang dalawang suspek sakay ng Toyota Fortuner kasabay ng jeepney na pinagkargahan ng mga ninakaw.

Agad na isinumbong ng waiter sa may-ari ng resto-bar at istasyon ng pulis ang nangyaring insidente.

Sa pagkasa ng follow-up operation ng pulisya ay doon na naaresto si Cruz samantala nakatakas naman si Banayad.

Umabot sa P117,359 ang halaga ng mga ninakaw na gamit na hindi na nabawi pa.

Sa imbestigasyon, napag-alaman na si Cruz pala ay dating chef samantala si Banayad ay dating investor ng kaparehong resto-bar.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong theft sa mga suspek. RNT/JGC