Lalaki nagbigti sa gilid ng tulay sa Malabon

Lalaki nagbigti sa gilid ng tulay sa Malabon

February 15, 2023 @ 4:25 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Patay na nang makita ang isang lalaki habang nakabigti sa gilid ng Lambingan Bridge sa Barangay Catmon sa Malabon City, kahapon ng umaga, Pebrero 14.

Sa ulat nina P/SSgt. Rockymar Binayug at P/SSgt. Ernie Baroy, imbestigador ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, dakong alas-9:45 ng umaga nang madiskubre nina Laila Grace Sunggod, 25, at Jemerlito Claros, 45, kapuwa naninirahan sa Brgy. Catmon ang bangkay ng lalaki na nakabitin sa Lambingan Bridge, gamit ang kableng nakapulupot sa leeg at nakatali ang kabilang dulo sa bakal na bakod ng tulay.

Napag-alaman na residente ng Brgy. Binuagan, Obando, Bulacan ang 46-anyos na biktima na huling nakitang buhay noong Lunes ng umaga, Pebrero 13, na pagala-gala sa tulay na tila naliligaw.

Napag-alaman sa pagsisiyasat na dumaranas ng pagkawala ng memorya ang biktima na matapos umalis ng kanilang bahay ay hindi na muling nakabalik.

Ayon kay P/Maj. Sonny Boy Tepace, hepe ng Northern Police District Forensic Unit (NPDFU), isasailalim nila sa autopsy examination ang bangkay ng biktima upang alamin kung may foul play o sadyang nagpatiwakal ang lalaki. Boysan Buenaventura